Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 2:18-20

18 Samantala, patuloy na naglilingkod sa Panginoon ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit[a] na gawa sa telang linen. 19 Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog. 20 Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng Panginoon ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa Panginoon.” Pagkatapos, umuwi na sila.

1 Samuel 2:26

26 Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng Panginoon at ng mga tao.

Salmo 148

Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon

148 Purihin ang Panginoon!
    Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
    Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
    at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.

Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
    at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.

    Purihin ang Panginoon!

Colosas 3:12-17

12 Kaya bilang mga banal at minamahal na mga pinili ng Dios, dapat kayong maging mapagmalasakit, maganda ang kalooban, mapagpakumbaba, mabait at mapagtiis. 13 Magpasensiyahan kayo sa isaʼt isa at magpatawaran kayo kung may hinanakit kayo kaninuman, dahil pinatawad din kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, magmahalan kayo, dahil ito ang magdudulot ng tunay na pagkakaisa. 15 Paghariin ninyo sa mga puso nʼyo ang kapayapaan ni Cristo. Sapagkat bilang mga bahagi ng iisang katawan, tinawag kayo ng Dios upang mamuhay nang mapayapa. Dapat din kayong maging mapagpasalamat.

16 Itanim ninyong mabuti sa mga puso nʼyo ang mga aral ni Cristo. Paalalahanan at turuan nʼyo ang isaʼt isa ayon sa karunungang kaloob ng Dios. Umawit kayo ng mga salmo, himno, at iba pang mga awiting espiritwal na may pasasalamat sa Dios sa mga puso ninyo. 17 At anuman ang ginagawa nʼyo, sa salita man o sa gawa, gawin nʼyo ang lahat bilang mananampalataya sa Panginoong Jesus,[a] at magpasalamat kayo sa Dios Ama sa pamamagitan niya.

Lucas 2:41-52

Ang Batang si Jesus sa Templo

41 Bawat taon pumupunta ang mga magulang ni Jesus sa Jerusalem para dumalo sa Pista ng Paglampas ng Anghel.[a] 42 Nang 12 taon na si Jesus, muli silang pumunta roon gaya ng nakaugalian nila. 43 Pagkatapos ng pista, umuwi na sila, pero nagpaiwan si Jesus sa Jerusalem. Hindi ito namalayan ng mga magulang niya. 44 Ang akala nilaʼy kasama siya ng iba nilang kababayan na pauwi na rin, kaya nagpatuloy sila sa paglalakad buong araw. Bandang huli ay hinanap nila si Jesus sa kanilang mga kamag-anak at mga kaibigan. 45 Nang malaman nila na wala si Jesus sa kanila, bumalik sila sa Jerusalem para roon siya hanapin. 46 At nang ikatlong araw, natagpuan nila si Jesus sa templo na nakaupong kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nakikinig siya sa kanila at nagtatanong. 47 Namangha ang lahat ng nakarinig sa mga isinasagot niya at sa kanyang katalinuhan. 48 Nagtaka ang mga magulang niya nang matagpuan siya roon. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo ito ginawa sa amin? Balisang-balisa na kami ng iyong ama sa paghahanap sa iyo!” 49 Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay narito ako sa bahay ng aking Ama?” 50 Pero hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin.

51 Umuwi si Jesus sa Nazaret kasama ng kanyang mga magulang, at patuloy siyang naging masunuring anak. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus at lalo pang naging matalino. Kinalugdan siya ng Dios at ng mga tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®