Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
7 O(A) kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan,
ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan,
at nagdadala ng Magandang Balita.
Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin:
“Zion, ang Diyos mo ay naghahari!”
8 Narito! Sisigaw ang nagbabantay,
dahil sa galak, sama-sama silang aawit;
makikita nila si Yahweh na babalik sa Zion.
9 Magsiawit kayo,
mga guhong pader nitong Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Diyos ang hinirang niyang bayan;
iniligtas na niya itong Jerusalem.
10 Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang,
ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan;
at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag.
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak
1 Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. 2 Ngunit(A) sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. 3 Nakikita(B) sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit.
Mas Dakila ang Anak kaysa sa mga Anghel
4 Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila.
5 Sapagkat(A) kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,
“Ikaw ang aking Anak,
mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel,
“Ako'y magiging kanyang Ama,
at siya'y magiging aking Anak.”
6 At(B) nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga
anghel ng Diyos.”
7 Tungkol(C) naman sa mga anghel ay sinabi niya,
“Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel,
at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.”
8 Ngunit(D) tungkol sa Anak ay sinabi niya,
“Ang iyong trono, O Diyos,[a] ay magpakailan pa man,
ikaw ay maghaharing may katarungan.
9 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.”
10 Sinabi(E) pa rin niya,
“Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan,
at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan.
11 Maliban sa iyo, lahat ay lilipas,
at tulad ng damit, lahat ay kukupas,
12 at ililigpit mong gaya ng isang balabal,
at tulad ng damit, sila'y papalitan.
Ngunit mananatili ka at hindi magbabago,
walang katapusan ang mga taon mo.”
Ang Salita ng Buhay
1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. 4 Nasa kanya ang buhay,[a] at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.
6 Sinugo(A) ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. 7 Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao.[b]
10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos.
14 Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.