Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Mapayapang Kaharian
11 Ang maharlikang angkan ni David[a] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. 2 Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. 3 Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. 4 Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. 5 Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.
6 Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. 7 Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. 8 Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. 9 Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.
8 Ang Zion, na katulad ng mataas na bantayang tore ng mga hayop,[a] ay magiging makapangyarihang muli. Ang bayan na ito, na tinatawag ding Jerusalem ay mangungunang muli sa lahat ng bayan ng Israel katulad noon.
9-10 “Mga mamamayan ng Zion, bakit kayo dumaraing na parang babaeng manganganak na? Nandiyan pa naman ang inyong mga hari, at buhay pa ang kanyang mga tagapayo. Sige, mamilipit kayo sa sakit na parang babaeng manganganak na, dahil hindi magtatagal ay lilisanin nʼyo ang inyong lungsod at maninirahan kayo sa kaparangan, at pagkatapos ay dadalhin kayo sa Babilonia. Pero ililigtas ko kayo doon mula sa inyong mga kalaban. 11 Maraming bansa ang nagkaisa upang makipaglaban sa inyo. Sinasabi nila, ‘Hiyain[b] natin ang Zion! At pagkatapos, panoorin natin ang nakakahiyang kalagayan nito.’ 12 Pero hindi alam ng mga bansang ito ang aking iniisip. Hindi nila nauunawaan ang aking plano na tinipon ko sila upang parusahan, na parang mga butil na tinipon para dalhin sa giikan.
13 “Mga mamamayan ng Zion, humanda kayo at lipulin ninyo nang lubusan ang inyong mga kaaway na parang gumigiik kayo ng trigo. Sapagkat gagawin ko kayong parang mga torong baka na may bakal na mga sungay at tansong mga kuko. Dudurugin ninyo ang maraming bansa na nagkaisa para labanan kayo. At ang mga kayamanang sinamsam nila sa pamamagitan ng pagmamalupit ay ihandog ninyo sa akin, ang Panginoon ng buong mundo.”
31 Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ 33 Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 34 At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®