Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
Kayo nga ang nagligtas sa akin.”
3 Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. 4 Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:
“Purihin ninyo ang Panginoon!
Sambahin nʼyo siya!
Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[a]
5 Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
6 Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”
Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita
4 Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. 5 Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[a] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. 6 Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. 7 Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo. 8 Dahil dito, palilindulin ko ang inyong lupain at mag-iiyakan kayo. Yayanigin ko nang husto ang inyong lupain na tulad ng Ilog na tumataas kapag may baha at bumababa tulad ng Ilog ng Nilo sa Egipto. 9 Sa araw na iyon, palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 10 Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo para ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Pero magiging mas masakit pa ang huling parusa.”
11 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12 Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta.
9 Hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga pinabanal[a] ng Dios sa Judea, 2 dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinasabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa ng magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. 3 Kaya nga pinauna ko na riyan sina Tito, para matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabi na walang kwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. 4 Sapagkat kung dumating ako riyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. 5 Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin para habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.
6 Tandaan ninyo ito: Ang naghahasik ng kaunti ay umaani ng kaunti, at ang naghahasik ng marami ay umaani ng marami. 7 Ang bawat isa sa inyo ay magbigay nang ayon sa sariling kapasyahan, nang walang pag-aatubili, at hindi sapilitan, dahil mahal ng Dios ang mga nagbibigay nang may kagalakan. 8 At magagawa ng Dios na ibigay sa inyo ang higit pa sa inyong mga pangangailangan, para sa lahat ng panahon ay maging sapat kayo sa lahat ng bagay, at lagi ninyong matutulungan ang iba. 9 Gaya ng sinasabi sa Kasulatan,
“Namigay siya sa mga dukha;
kailanman ay hindi makakalimutan ang kanyang mabubuting gawa.”
10 Ang Dios na nagbibigay ng binhi sa magsasaka at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay ng inyong mga pangangailangan para lalo pa kayong makatulong sa iba. 11 Pasasaganain kayo ng Dios sa lahat ng bagay para lagi kayong makatulong sa iba. At marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa tulong na ipinapadala ninyo sa kanila sa pamamagitan namin.
12 Dahil sa inyong pagbibigay, hindi lamang ninyo tinutugunan ang pangangailangan ng mga mananampalataya[b] na nasa Judea, kundi magiging dahilan din ito para marami ang magpasalamat sa Dios. 13 Sapagkat pinatutunayan ninyo sa inyong pagtulong na sinusunod ninyo ang Magandang Balita tungkol kay Cristo na inyong pinaniniwalaan. At dahil sa pagtulong ninyo sa kanila at sa iba pa, papupurihan nila ang Dios. 14 Buong puso silang mananalangin para sa inyo dahil sa dakilang biyaya ng Dios na ipinamalas niya sa inyo. 15 Pasalamatan natin ang Dios sa kanyang kaloob na hindi natin kayang ipaliwanag.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®