Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 63

Pananabik sa Dios

63 O Dios, kayo ang aking Dios.
    Hinahanap-hanap ko kayo.
    Nananabik ako sa inyo nang buong pusoʼt kaluluwa,
    na tulad ng lupang tigang sa ulan.
Nakita ko ang inyong kapangyarihan at kaluwalhatian sa inyong templo.
Ang inyong pag-ibig ay mahalaga pa kaysa sa buhay,
    kaya pupurihin ko kayo.
Pasasalamatan ko kayo habang akoʼy nabubuhay.
    Itataas ko ang aking mga kamay sa paglapit sa inyo.
Masisiyahan ako tulad ng taong nabusog sa malinamnam na handaan.
    At magpupuri ako sa inyo ng awit ng kagalakan[a]
Sa aking paghiga, kayo ang naaalala ko.
    Sa buong magdamag kayo ang iniisip ko.
Dahil kayo ang tumutulong sa akin, aawit[b] ako,
    habang akoʼy nasa inyong pangangalaga.[c]
Lumapit ako sa inyo at inalalayan nʼyo ako ng inyong kanang kamay upang hindi ako mapahamak.
Ngunit silang nagtatangka sa aking buhay ay mapupunta sa lugar ng mga patay.
10 Mamamatay sila sa labanan at ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga asong-gubat.[d]
11 Matutuwa ang hari sa ginawa ng Dios sa kanya.
    Matutuwa rin ang mga nangako sa Panginoon.
    Ngunit ang lahat ng sinungaling ay patatahimikin ng Panginoon!

2 Hari 23:15-25

15 Ipinagiba din ni Josia kahit ang altar sa mga sambahan sa matataas na lugar sa Betel. Ang sambahang ito ay ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Dinurog ito ni Josia ng pino at sinunog pati ang posteng simbolo ng diosang si Ashera. 16 At habang nakatitig siya sa paligid, nakita niya ang mga libingan sa gilid ng kabundukan. Ipinakuha niya ang mga buto sa mga libingan at sinunog niya roon sa altar sa Betel para dungisan ito. Nangyari ito ayon sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niya na nagpropesiya tungkol sa mga bagay na ito. 17 Nagtanong si Haring Josia, “Kaninong libingan iyan?” Sumagot ang mga mamamayan ng lungsod, “Libingan po ito ng lingkod ng Dios na taga-Juda. Siya ang nagpropesiya tungkol sa mga ginawa ninyo ngayon sa altar sa Betel.” 18 Sinabi ng hari, “Pabayaan lang ninyo ang libingan niya. Huwag ninyong kunin ang mga buto niya.” Kaya hindi nila kinuha ang mga buto nito pati ang buto ng mga propeta na taga-Samaria.

19 Pagkatapos, giniba ni Josia ang mga sambahan sa matataas na lugar sa Samaria, tulad ng ginawa niya sa Betel. Ito ang mga sambahan na ipinagawa ng mga hari ng Israel na nakapagpagalit sa Panginoon. 20 Pinatay ni Josia ang lahat ng pari roon mismo sa mga altar ng mga sambahan na iyon. At sinunog niya ang buto ng mga tao sa mga altar na iyon para dungisan ito. Pagkatapos, bumalik siya sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josia ang Pista ng Paglampas ng Anghel(A)

21 Inutusan ni Josia ang lahat ng tao, “Ipagdiwang natin ang Pista ng Paglampas ng Anghel para parangalan ang Panginoon na ating Dios, ayon sa nakasulat dito sa Aklat ng Kasunduan ng Dios.” 22 Walang naging katulad ang pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel mula pa nang panahon ng mga pinuno na namahala sa Israel at nang panahon ng mga hari ng Israel at Juda. 23 Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ika-18 taong paghahari ni Josia.

24 Pinalayas din ni Josia sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga dios ng mga tahanan, ang iba pang mga dios-diosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josia para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkia sa templo ng Panginoon. 25 Wala pang naging hari na katulad ni Josia na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moises, at wala ni isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya.

Pahayag 11:1-14

Ang Dalawang Saksi

11 Pagkatapos nito, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi sa akin, “Sukatin mo ang templo ng Dios at ang altar, at bilangin mo ang mga taong sumasamba roon. Pero huwag mong sukatin ang labas ng templo dahil inilaan iyan para sa mga taong hindi kumikilala sa Dios. Sila ang mga taong sisira sa banal na lungsod ng Jerusalem sa loob ng 42 buwan. Sa mga araw na iyon isusugo ko roon ang dalawang saksi ko. Magsusuot sila ng damit na sako bilang pahiwatig sa mga tao na kailangan na nilang magsisi sa mga kasalanan nila. Ipapahayag nila ang mensahe ng Dios sa loob ng 1,260 araw.”

Ang dalawang saksing ito ay ang dalawang punong olibo[a] at dalawang ilawan sa harap ng Panginoon ng buong mundo. Kung may magtangkang manakit sa dalawang ito, may apoy na lalabas sa bibig nila at masusunog ang kanilang kaaway. Ganyan papatayin ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May kapangyarihan silang pigilin ang ulan upang hindi umulan habang nagpapahayag sila ng mensahe ng Dios. May kapangyarihan din sila na gawing dugo ang mga tubig at magpadala ng lahat ng uri ng salot sa mundo anumang oras na gustuhin nila.

Pagkatapos nilang ipahayag ang mensahe ng Dios, makikipaglaban sa kanila ang halimaw na galing sa kailaliman. Tatalunin at papatayin sila ng halimaw. Ang bangkay nila ay pababayaan sa lansangan ng tanyag na lungsod, ang lugar na pinagpakuan sa krus ng kanilang Panginoon. Ito rin ang lungsod na tinaguriang Sodom at Egipto. Sa loob ng tatloʼt kalahating araw, ang bangkay nila ay panonoorin ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi, angkan, wika at bansa, at hindi sila papayag na ilibing ang mga ito. 10 Matutuwa ang mga tao sa buong mundo dahil sa pagkamatay ng dalawang propeta. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo dahil namatay na ang dalawang iyon na nagpahirap sa mga tao sa mundo. 11 Ngunit pagkalipas ng tatloʼt kalahating araw, muli silang binuhay ng Dios. Bumangon sila, at ganoon na lang ang takot ng lahat ng nakakita sa kanila. 12 Narinig ng dalawa ang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang tinitingnan sila ng mga kaaway nila, pumapaitaas sila sa langit sakay ng ulap. 13 Nang oras ding iyon, lumindol nang napakalakas. Nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod, at 7,000 ang namatay. Natakot ang natirang mga tao, kaya pinuri nila ang Dios sa langit.

14 Natapos na ang ikalawang nakakatakot na pangyayari, ngunit susunod pa ang ikatlo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®