Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 2:1-10

Ang Panalangin ni Hanna

At nanalangin si Hanna,

“Nagagalak ako sa Panginoon!
Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya.
Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway.
Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin.
Walang ibang banal maliban sa Panginoon.
Wala siyang katulad.
Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios.
Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng Panginoong Dios ang lahat ng bagay,
at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao.
Nililipol niya ang mga makapangyarihan,
ngunit pinalalakas niya ang mahihina.
Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain.
Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon.
Ang dating baog ay marami nang anak.[a]
Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito.
May kapangyarihan ang Panginoon na patayin o buhayin ang tao.
May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon.
Ang Panginoon ang nagpapadukha at nagpapayaman.
Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa.
Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan.
Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan.
Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo.
Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan.
Ngunit lilipulin niya ang masasama.
Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan.
10 Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway.
Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila.
Ang Panginoon ang hahatol sa buong mundo.[b]
Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.”

1 Samuel 1:21-28

Inihandog ni Hanna si Samuel

21 Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon. 22 Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” 23 Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26 Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27 Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28 Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa[a] Panginoon.

1 Timoteo 6:11-21

11 Ngunit ikaw, bilang lingkod ng Dios, iwasan mo ang mga bagay na iyan. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, banal, may matibay na pananampalataya, mapagmahal, mapagtiis at mabait sa kapwa. 12 Ipaglaban mong mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil tinawag ka ng Dios para sa buhay na ito nang ipahayag mo ang pananampalataya mo sa harap ng maraming saksi. 13 Sa presensya ng Dios na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa presensya ni Cristo Jesus na nagpatotoo sa harap ni Poncio Pilato, inuutusan kitang 14 sundin mong mabuti ang mga iniutos sa iyo para walang masabi laban sa iyo. Gawin mo ito hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Sa takdang panahon, ihahayag siya ng dakila at makapangyarihang Dios, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lang ang walang kamatayan, at nananahan sa di-malapit-lapitang liwanag. Hindi siya nakita o maaaring makita ninuman. Sa kanya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen.

17 Sabihin mo sa mga mayayaman sa mundong ito na huwag silang maging mayabang o umasa sa kayamanan nilang madaling mawala. Sa halip, umasa sila sa Dios na nagkakaloob sa atin ng lahat ng bagay na ikasisiya natin. 18 Turuan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, at mapagbigay at matulungin sa kapwa. 19 Sa ganoon, makapag-iipon sila ng kayamanan sa langit na hindi mawawala, at matatamo nila ang tunay na buhay.

20 Timoteo, ingatan mo ang mga aral na ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang usap-usapan na ipinapalagay ng iba na karunungan, pero sumasalungat sa itinuturo natin. 21 Dahil sa ganyang pagmamarunong ng ilan, naligaw tuloy sila sa pananampalataya.

Pagpalain ka nawa ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®