Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
Nagpakasal si Boaz kay Ruth
4 Pumunta si Boaz sa pintuang bayan[a] at naupo roon. Nang dumaan ang sinasabi niyang mas malapit na kamag-anak ni Elimelec, sinabi ni Boaz sa kanya, “Kaibigan, halikaʼt maupo ka.” Lumapit naman ang lalaki at naupo. 2 At tinipon ni Boaz ang sampung mga tagapamahala ng bayan at pinaupo rin doon. At nang nakaupo na sila, 3 sinabi ni Boaz sa kamag-anak niya, “Bumalik na si Naomi mula sa Moab, at gusto niyang ipagbili ang lupa ng kamag-anak nating si Elimelec. 4 Naisip kong ipaalam ito sa iyo. Kaya kung gusto mo, bilhin mo ito sa harapan ng mga tagapamahala ng mga kababayan ko at ng iba pang mga nakaupo rito. Pero kung ayaw mo, sabihin mo at nang malaman ko. Kung tutuusin, ikaw ang may tungkuling tumubos nito, at pangalawa lang ako.” Sumagot ang lalaki, “Sige, tutubusin ko.” 5 Pero sinabi ni Boaz, “Sa araw na tubusin mo ang lupa kay Naomi, kailangang pakasalan mo si Ruth, ang Moabitang biyuda,[b] para kapag nagkaanak kayo, mananatili ang lupa sa pamilya ng kamag-anak nating namatay.”[c]
6 Nang marinig ito ng lalaki, sinabi niya, “Kung ganoon, hindi ko na tutubusin ang lupa dahil baka magkaproblema pa ako sa sarili kong lupa dahil pati ang magiging anak namin ni Ruth ay may bahagi na sa lupa ko. Ikaw na lang ang tumubos, hindi ko kasi magagawa iyan.”
7 Nang panahong iyon sa Israel, para matiyak ang pagtubos ng lupa o ang paglilipat ng karapatan sa pagtubos ng lupa, hinuhubad ng isa ang sandalyas niya at ibinibigay sa isa. Ganito ang ginagawa noon sa Israel bilang katibayan ng kanilang transaksyon.
8 Kaya nang sabihin ng lalaki kay Boaz, “Ikaw na lang ang tumubos ng lupa,” hinubad agad niya ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz.[d] 9 Sinabi ni Boaz sa mga tagapamahala ng bayan at sa lahat ng tao roon, “Mga saksi kayo ngayong araw na bibilhin ko na kay Naomi ang lahat ng lupain ni Elimelec, na minana nina Kilion at Mahlon. 10 At bukod pa rito, pakakasalan ko si Ruth na Moabita, na biyuda ni Mahlon, para kapag nagkaanak kami, mananatili ang lupain ni Mahlon sa kanyang pamilya,[e] at hindi mawawala ang lahi niya sa kanyang mga kababayan. Saksi nga kayo sa araw na ito!”
6 Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. 8 Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa[a] ng Dios dahil kay Cristo. 10 Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. 11 Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®