Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18:20-30

20 Pinagpala nʼyo ako dahil akoʼy namumuhay sa katuwiran.
    Sa kalinisan ng aking kamay akoʼy inyong ginantimpalaan.
21 Dahil sinusunod ko ang inyong kalooban,
    at hindi ko kayo tinalikuran, Panginoon na aking Dios.
22 Tinutupad ko ang lahat ng inyong utos.
    Ang inyong mga tuntunin ay hindi ko sinusuway.
23 Alam nʼyong namumuhay ako ng walang kapintasan,
    at iniiwasan ko ang kasamaan.
24 Kaya naman akoʼy inyong ginagantimpalaan,
    dahil nakita nʼyong matuwid ang aking pamumuhay.
25 Tapat kayo sa mga tapat sa inyo,
    at mabuti kayo sa mabubuting tao.
26 Tapat kayo sa mga taong totoo sa inyo,
    ngunit tuso kayo sa mga taong masama.
27 Inililigtas nʼyo ang mga mapagpakumbaba,
    ngunit ang nagmamataas ay inyong ibinababa.

28 Panginoon kong Dios, kayo ang nagbibigay sa akin ng liwanag.
    Sa gitna ng kadiliman kayo ang aking tanglaw.
29 Sa tulong nʼyo, kaya kong salakayin ang grupo ng mga sundalo,
    at kaya kong akyatin ang pader ng kanilang tanggulan.
30 Ang pamamaraan nʼyo, O Dios ay walang kamalian.
    Ang inyong mga salita ay maaasahan.
    Kayoʼy katulad ng isang kalasag sa mga naghahanap ng kaligtasan[a] sa inyo.

Ruth 2:15-23

15 Nang tumayo na si Ruth para mamulot ulit ng mga nalaglag na uhay, nag-utos si Boaz sa mga tauhan niya, “Huwag ninyong hihiyain si Ruth kahit mamulot pa siya malapit sa mga binigkis na uhay.[a] 16 Kumuha kayo ng mga uhay sa mga binigkis at iwan para sa kanya, at huwag nʼyo siyang sasawayin.”

17 Kaya namulot si Ruth ng mga nalaglag na uhay hanggang sa lumubog ang araw. At nang magiik na niya ang naipon niyang sebada[b] ay umabot ito ng mga kalahating sako. 18 Dinala niya ito pauwi sa bayan at ipinakita sa kanyang biyenan[c] na si Naomi. Pagkatapos kinuha niya ang natira niyang pagkain at ibinigay kay Naomi. 19 Nagtanong si Naomi sa kanya, “Saan ka namulot ng mga nalaglag na uhay kanina? Kaninong bukirin? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo!”

Ikinuwento ni Ruth kay Naomi na doon siya namulot sa bukid ng taong ang pangalan ay Boaz. 20 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Pagpalain nawa ng Panginoon si Boaz. Ipinapakita niya ang kanyang kabutihan sa mga taong buhay pa at sa mga patay na.” At sinabi pa niya, “Si Boaz na sinasabi mo ay malapit nating kamag-anak; isa siya sa may tungkuling mangalaga sa atin.”

21 Sinabi ni Ruth kay Naomi, “Sinabi pa po ni Boaz sa akin na sa mga tauhan lang niya ako sumama sa pamumulot hanggang matapos ang lahat ng mga aanihin niya.” 22 Sinabi naman ni Naomi kay Ruth, “Anak, mabuti nga na sa mga utusan niyang babae ka sumama, dahil baka kung ano pa ang mangyari sa iyo sa ibang bukid.”

23 Kaya sumama si Ruth sa mga utusang babae ni Boaz sa pamumulot ng mga nalaglag na uhay hanggang sa matapos ang anihan ng sebada at trigo. At patuloy siyang nanirahan kasama ng biyenan niya.

Roma 12:17-21

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[a] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[b] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.

Roma 13:8-10

Tungkulin sa Isaʼt Isa

Huwag kayong mananatiling may utang kaninuman, maliban sa utang ng pagmamahalan. Sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. Ang mga kautusang, “Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-iimbot,” at ang iba pang mga utos ay napapaloob sa iisang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” 10 Ang taong nagmamahal ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa. Kaya kung nagmamahalan tayo, tinutupad natin ang buong Kautusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®