Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 146

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Ruth 2:1-9

Nakilala ni Ruth si Boaz

1-3 Isang araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Gusto ko po sanang pumunta sa bukid at mamulot[a] ng mga nalaglag na uhay mula sa mga tagapag-ani sa bukid ng taong magpapahintulot sa akin.” Sumagot si Naomi, “O sige anak.” Kaya umalis si Ruth at namulot ng mga nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Nagkataon na doon siya namulot sa bukid ni Boaz na kamag-anak ni Elimelec. Si Boaz ay mayaman at makapangyarihan.

Habang nandoon si Ruth ay dumating si Boaz mula sa Betlehem at binati ang mga tagapag-ani, “Sumainyo nawa ang Panginoon!” Sumagot ang mga tagapag-ani, “Pagpalain nawa kayo ng Panginoon!” Tinanong ni Boaz ang kanyang katiwala na nangangasiwa sa mga tagapag-ani, “Sino ang dalagang iyan?” Sumagot ang katiwala, “Isa po siyang Moabita na sumama kay Naomi na bumalik mula sa Moab. Nakiusap siya sa akin na payagan ko siyang mamulot ng mga uhay na nalaglag mula sa mga tagapag-ani. Mula kaninang umaga tuloy-tuloy ang pagtatrabaho niya hanggang ngayon. Nagpahinga lang siya ng sandali sa kubol.”[b] Sinabi ni Boaz kay Ruth, “Anak, makinig ka. Huwag ka nang pumunta sa ibang bukid para mamulot ng mga nalaglag. Dito ka na lang mamulot kasama ng mga utusan kong babae. Tingnan mo kung saan nag-aani ang mga tauhan ko at sumunod ka sa mga utusan kong babae. Sinabihan ko na ang mga tauhan ko na huwag kang galawin. At kapag nauhaw ka, uminom ka lang sa mga tapayan na inigiban ng mga tauhan ko.”

Roma 3:21-31

21 Pero ngayon, inihayag na kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang tao. Itoʼy hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ang Kautusan na mismo at ang mga propeta ang nagpapatotoo rito. 22 Ang taoʼy itinuturing ng Dios na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo. At walang pinapaboran ang Dios. Kaya ang sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo ay itinuturing niyang matuwid. 23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at hindi naging karapat-dapat sa paningin ng Dios. 24 Ngunit dahil sa biyaya ng Dios sa atin, itinuring niya tayong matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang tumubos sa atin. Itoʼy regalo ng Dios. 25 Isinugo si Cristo Jesus sa mundo para ialay ang kanyang buhay, nang sa ganoon mawala ang galit ng Dios sa atin, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang ating mga kasalanan kung sasampalataya tayo sa kanya. Ginawa iyon ng Dios para ipakita na matuwid siya. Noong unaʼy nagtimpi siya at pinalampas ang mga kasalanang ginawa ng mga tao, kahit na dapat sanaʼy pinarusahan na sila. 26 Isinugo niya si Cristo para ipakita sa kasalukuyang panahon na matuwid siya. Dahil sa ginawa ng Dios, pinatunayan niyang matuwid siya maging sa pagturing niyang matuwid sa mga makasalanang sumasampalataya kay Jesus. 27 Kaya wala tayong maipagmamalaki, dahil ang pagturing sa atin na matuwid ay hindi sa pamamagitan ng ating pagsunod sa Kautusan, kundi sa ating pananampalataya kay Jesus. 28 Sapagkat naniniwala tayo na itinuturing ng Dios na matuwid ang tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya kay Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. 29 Ang Dios ay hindi lamang Dios ng mga Judio, kundi Dios din ng mga hindi Judio, dahil siyaʼy Dios ng lahat. 30 Iisa lamang ang Dios para sa mga Judio at hindi Judio, at ituturing silang matuwid ng Dios dahil sa kanilang pananampalataya kay Cristo. 31 Nangangahulugan bang binabalewala namin ang Kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Hindi! Sa halip, lalo pa nga naming tinutupad ang layunin ng Kautusan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®