Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Paghingi ng Tulong
28 Tumatawag ako sa inyo, Panginoon, ang aking Bato na kanlungan.
Dinggin nʼyo ang aking dalangin!
Dahil kung hindi, matutulad ako sa mga patay na nasa libingan.
2 Pakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo!
Humingi ako sa inyo ng tulong,
habang itinataas ang aking mga kamay sa harap ng inyong banal na templo.
3 Huwag nʼyo akong parusahan kasama ng masasama.
Nagkukunwari silang mga kaibigan,
pero ang plano palaʼy pawang kasamaan.
4 Gantihan nʼyo sila ayon sa kanilang mga gawa.
Parusahan nʼyo sila ayon sa masama nilang gawa.
5 Binalewala nila ang inyong mga gawa.
Gaya ng lumang gusali,
gibain nʼyo sila at huwag nang itayong muli.
6 Purihin kayo, Panginoon,
dahil pinakinggan nʼyo ang aking pagsusumamo.
7 Kayo ang nagpapalakas at nag-iingat sa akin.
Nagtitiwala ako sa inyo nang buong puso.
Tinutulungan nʼyo ako,
kaya nagagalak ako at umaawit ng pasasalamat.
8 Kayo, Panginoon, ang kalakasan ng inyong mga mamamayan.
Iniingatan nʼyo ang inyong haring hinirang.
9 Iligtas nʼyo po at pagpalain ang mga mamamayang pag-aari ninyo.
Katulad ng isang pastol, bantayan nʼyo sila,
at kalungin magpakailanman.
9 Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim. 10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas. 11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari. 12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama. 13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan. 14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan. 15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.
Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan. 16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila. 17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit. 18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar.[a] Madadama nila ang kanyang galit. 19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.[b]
2 Dahil ipinanganak na kayong muli, talikuran nʼyo na ang lahat ng uri ng kasamaan: pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at lahat ng paninirang-puri. 2 Gaya ng sanggol na bagong panganak, manabik kayo sa dalisay na gatas na espiritwal, upang lumago kayo hanggang makamtan nʼyo ang ganap na kaligtasan 3 ngayong naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. 4 Siya ang batong buhay na itinakwil ng mga tao pero pinili ng Dios at mahalaga sa paningin niya. At habang lumalapit kayo sa kanya, 5 kayo na tulad din ng batong buhay ay itinatayo ng Dios bilang isang gusaling espiritwal. At bilang mga banal na paring pinili ng Dios, nag-aalay kayo sa kanya ng mga espiritwal na handog na kalugod-lugod sa kanya dahil ginagawa nʼyo ito sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 6 Sapagkat sinasabi ng Dios sa Kasulatan,
“May pinili akong maghahari sa Zion.
Tulad niyaʼy mahalagang bato na ginawa kong pundasyon.
Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.”[a]
7 Kaya kayong sumasampalataya ay pararangalan ng Dios. Ngunit sa taong hindi sumasampalataya ay naganap ang sinasabi sa Kasulatan,
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.”[b]
8 “Ang batong ito ay naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.”[c]
Natitisod sila dahil ayaw nilang sundin ang salita ng Dios; ganoon ang nakatalaga para sa kanila. 9 Ngunit kayoʼy mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili kayo ng Dios na maging kanya upang ipahayag ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hanga niyang kaliwanagan. 10 Datiʼy hindi kayo mga taong sakop ng Dios, pero ngayon, mga sakop na niya kayo. Noon, hindi kayo kinaawaan ng Dios, pero ngayon, kinaawaan na niya kayo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®