Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 1

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Kawikaan 30:18-33

18 May apat[a] na bagay na para sa akin ay kahanga-hanga at hindi ko maunawaan:

19 Kung paano nakakalipad ang agila sa kalangitan,
    kung paano nakakagapang ang ahas sa batuhan,
    kung paano nakapaglalayag ang barko sa karagatan,
    at ang pamamaraan ng lalaki sa babae.

20 Ganito ang ginagawa ng babaeng nagtataksil sa kanyang asawa: Sumisiping siya sa ibang lalaki pagkatapos sasabihin niyang wala siyang ginagawang masama.

21 May apat[b] na bagay na hindi matanggap ng mga tao sa mundo:

22-23 Ang aliping naging hari,
    ang mangmang na sagana sa pagkain,
    ang babaeng masungit na nakapag-asawa,
    at ang babaeng alipin na pumalit sa kanyang amo.

24 May apat na hayop dito sa mundo na maliit ngunit may pambihirang kaisipan:

25 Ang mga langgam, kahit mahina, nag-iipon sila ng pagkain kung tag-araw.
26 Ang mga badyer,[c] kahit mahihina sila, nakagagawa sila ng kanilang tirahan sa mabatong lugar.
27 Ang mga balang, kahit walang namumuno, maayos na lumilipad nang sama-sama.
28 Ang mga butiki, kahit madaling hulihin ng kamay, matatagpuan kahit sa palasyo ng hari.

29 May apat[d] na nilalang na akala mo kung sino kapag lumakad:

30 ang leon (pinakamatapang sa lahat ng hayop at walang kinatatakutan),
31 ang tandang,
    ang lalaking kambing,
    at ang haring nangunguna sa kanyang mga kawal.

32 Kung sa kahangalan moʼy nagmamayabang ka at nagbabalak ng masama, tigilan mo na iyan! 33 Hindi ba kapag hinalo nang hinalo ang malapot na gatas ay magiging mantikilya?[e] Hindi ba kapag sinuntok mo ang ilong ng isang tao ay magdurugo ito? Kaya kapag ginalit mo ang tao tiyak na magkakaroon ng gulo.

Roma 11:25-32

Ang Dios ay Maawain sa Lahat

25 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang isang katotohanan na ngayon ko lang ihahayag sa inyo, para hindi maging mataas ang tingin nʼyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng mga Judio ay hindi panghabang panahon. Itoʼy hanggang makumpleto lang ang kabuuang bilang ng mga hindi Judio na sasampalataya kay Cristo. 26 Pagkatapos niyan, maliligtas ang buong Israel,[a] gaya ng sinasabi sa Kasulatan,

    “Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas;
    aalisin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob.
27 Gagawin ko ang kasunduang ito sa kanila sa araw na aalisin ko ang kanilang kasalanan.”

28 Dahil tinanggihan ng mga Judio ang Magandang Balita, naging kaaway sila ng Dios para kayong mga hindi Judio ay mabigyan ng pagkakataong maligtas. Pero kung ang pagpili ng Dios ang pag-uusapan, mahal pa rin sila ng Dios dahil sa kanilang mga ninuno. 29 Sapagkat ang Dios ay hindi nagbabago ng isip sa kanyang pagpili at pagpapala. 30 Dati, kayong mga hindi Judio ay suwail sa Dios, pero kinaawaan niya kayo dahil sa pagsuway ng mga Judio. 31 Ganoon din naman, kaaawaan niya ang mga Judio sa kabila ng pagkasuwail nila, tulad ng ginawa niya sa inyo. 32 Sapagkat hinayaan ng Dios na ang lahat ng tao ay maging alipin ng kasalanan para maipakita sa kanila ang kanyang awa.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®