Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kaligtasan ng mga Mamamayan ng Dios
125 Ang mga nagtitiwala sa Panginoon ay tulad ng Bundok ng Zion na hindi natitinag,
sa halip ay nananatili magpakailanman.
2 Kung paanong ang mga bundok ay nakapaligid sa lungsod ng Jerusalem,
ang Panginoon ay nasa paligid din ng kanyang mga mamamayan magpakailanman.
3 Ang masama ay hindi mananatiling namamahala sa lupaing para sa mga matuwid,
dahil baka makagawa rin ng masama ang mga matuwid.
4 Panginoon, gawan nʼyo ng mabuti ang mga taong mabuti na namumuhay nang matuwid.
5 Ngunit parusahan nʼyo kasama ng masasama ang inyong mamamayan na sumusunod sa hindi wastong pamumuhay.
Mapasaiyo nawa Israel ang kapayapaan.
Papuri sa Karunungan
8 Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral. 2 Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto, 3 sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,
4 “Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang aking panawagan.
5 Kayong mga walang alam, magkaroon kayo ng karunungan.
Kayong mga mangmang magkaroon kayo ng pang-unawa.
6 Makinig kayo sa sasabihin ko, sapagkat ito ay tama at kapaki-pakinabang.
7 Ang sinasabi ko ay pawang katotohanan lamang; sa nagsasalita ng masama ako ay nasusuklam.
8 Pawang matuwid ang sinasabi ko; hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan o pandaraya.
9 Ang lahat ng sinasabi ko ay malinaw at pawang tama sa taong may pang-unawa.
10 Pahalagahan ninyo ang karunungan at ang pagtutuwid ko sa inyong ugali kaysa sa pilak at ginto.
11 Sapagkat higit na mahalaga ang karunungan kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo.
12 Ako ang karunungan at alam ko kung paano unawain ang tama at mali, at alam ko rin kung paano magpasya nang tama.
13 Ang may takot sa Panginoon ay lumalayo sa kasamaan. Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan, pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14 Magaling akong magpayo at may sapat na kaalaman. May pang-unawa at kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ko nakakapamuno ang mga hari at ang mga pinunoʼy nakagagawa ng mga tamang batas.
16 Sa pamamagitan ko makakapamuno ang mga tagapamahala at mga opisyal – ang lahat na namumuno ng matuwid.[a]
17 Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;
makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18 Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan, kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19 Ang maibibigay ko ay higit pa sa purong ginto at pilak.
20 Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21 Bibigyan ko ng kayamanan ang nagmamahal sa akin;
pupunuin ko ang lalagyan nila ng kayamanan.
22 Noong una pa, nilikha na ako ng Panginoon bago niya likhain ang lahat.
23-26 Nilikha na niya ako noong una pa man.
Naroon na ako nang wala pa ang mundo, ang mga dagat, mga bukal, mga bundok, mga burol, mga bukid at kahit pa ang mga alikabok.
27 Naroon na ako nang likhain niya ang langit,
maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28-29 Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap,
nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,
nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw,
at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30 Katulad koʼy arkitekto, na nasa tabi ng Panginoon.
Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at lagi naman akong masaya sa piling niya.
31 Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(A)
21 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. 22 May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,[a] maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” 23 Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” 24 Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” 25 Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” 26 Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 27 Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®