Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 11

Pagtitiwala sa Panginoon

11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
    O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
    “Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
    Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
    para panain nang palihim ang mga matuwid.
Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
    na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”

Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
    at nasa langit ang kanyang trono.
    Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.

Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
    At siyaʼy napopoot sa malulupit.
Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
    at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
    kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]

1 Hari 5:13-18

13 Pagkatapos, sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang 30,000 tao mula sa buong Israel. 14 Pinagpangkat sila ayon sa bilang na 10,000 bawat isang pangkat at ipinapadala sa Lebanon bawat buwan. Kaya ang bawat grupo ay isang buwan sa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang lugar. Si Adoniram ang tagapamahala ng mga trabahador na ito. 15 May 70,000 tao si Solomon na tagahakot ng mga materyales at 80,000 tao na tagatabas ng bato sa kabundukan. 16 Mayroon din siyang 3,300 kapatas na namamahala sa trabaho at mga trabahador. 17 At sa utos niya, nagtabas sila ng malalakiʼt magagandang uri ng bato para sa pundasyon ng templo. 18 Kaya inihanda ng mga tauhan nina Solomon at Hiram, kasama ng mga taga-Gebal,[a] ang mga bato at mga kahoy para sa pagpapatayo ng templo.

Efeso 5:21-6:9

Aral sa mga Mag-asawa

21 Magpasakop kayo sa isaʼt isa bilang paggalang kay Cristo.

22 Mga babae, magpasakop kayo sa inyong asawa gaya nang pagpapasakop nʼyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang lalaki ang siyang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na ulo ng iglesya na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. 24 Kaya kung paanong nagpapasakop ang iglesya kay Cristo, dapat ding magpasakop ang mga babae sa asawa nila sa lahat ng bagay.

25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, tulad ng pagmamahal ni Cristo sa kanyang iglesya. Inihandog niya ang kanyang sarili para sa iglesya 26 upang maging banal ito matapos linisin sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at ng salita ng Dios. 27 Ginawa niya ito para maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, banal, walang kapintasan, at walang anumang bahid o dungis. 28 Kaya dapat mahalin ng lalaki ang asawa niya tulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Sapagkat ang nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. 29-30 Walang taong nasusuklam sa sariling katawan, sa halip, pinapakain niya ito at inaalagaan. Ganito rin ang ginagawa ni Cristo sa atin dahil bahagi tayo ng kanyang katawan na tinatawag na iglesya.

31 Sinasabi sa Kasulatan, “Iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.”[a] 32 Kamangha-mangha itong malalim na katotohanan na ipinahayag ng Dios. Isinasalarawan nito ang ugnayan ni Cristo at ng iglesya niya. 33 Kaya kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng pagmamahal ninyo sa inyong sarili. At kayong mga babae, igalang nʼyo ang inyong asawa.

Aral sa mga Magulang at mga Anak

Mga anak, sundin nʼyo ang mga magulang nʼyo dahil ito ang nararapat gawin bilang mga mananampalataya sa Panginoon. “Igalang nʼyo ang inyong amaʼt ina.” Ito ang unang utos na may kasamang pangako. At ito ang pangako, “Giginhawa ka at hahaba ang buhay mo rito sa lupa.”[b]

At kayo namang mga magulang,[c] huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikasasama ng loob ng mga anak ninyo. Sa halip, palakihin ninyo sila nang may disiplina at turuan ng mga aral ng Panginoon.

Aral sa mga Alipin at mga Amo

Mga alipin, sundin nʼyo ang inyong mga amo rito sa lupa nang may katapatan, paggalang at pagkatakot na parang si Cristo ang pinaglilingkuran ninyo. Gawin nʼyo ito nang kusang-loob hindi dahil nakatingin sila para silaʼy malugod, kundi dahil mga alipin kayo ni Cristo na gumagawa ng kalooban ng Dios. Maglingkod kayo nang may mabuting kalooban na para bang ang Panginoon mismo ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. Alalahanin ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat isa ayon sa ginawa niyang mabuti, maging alipin man siya o hindi.

At kayo namang mga amo, tratuhin ninyo nang mabuti ang inyong mga alipin at huwag ninyo silang tatakutin o pagbabantaan, dahil alam naman ninyong kayo at sila ay may iisang amo sa langit, at wala siyang kinikilingan kahit sino.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®