Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dinala sa Templo ang Kahon ng Kasunduan(A)
8 Ipinatawag ni Haring Solomon sa Jerusalem ang mga tagapamahala ng Israel at ang lahat ng pinuno ng mga lahi at mga pamilya sa Israel para kunin ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon mula sa Zion, ang Lungsod ni David.
6 Pagkatapos, dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon sa lugar nito roon sa pinakaloob ng templo, sa Pinakabanal na Lugar, sa ilalim ng pakpak ng mga kerubin.
10 Nang lumabas ang mga pari sa Banal na Lugar, may ulap na bumalot sa templo ng Panginoon. 11 Hindi na makagawa ang mga pari sa kanilang gawain sa templo dahil sa ulap, dahil ang kapangyarihan ng Panginoon ay bumalot sa kanyang templo.
Ang Panalangin ni Solomon para sa Bayan ng Israel(A)
22 Sa harap ng buong kapulungan ng Israel, lumapit si Solomon sa altar ng Panginoon at itinaas niya ang kanyang mga kamay, 23 at nanalangin, “Panginoon, Dios ng Israel, wala pong Dios na katulad ninyo sa langit o sa lupa. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ninyo ang inyong pag-ibig sa mga lingkod ninyong buong pusong sumusunod sa inyo. 24 Tinupad nʼyo ang inyong ipinangako sa aking amang si David na inyong lingkod. Kayo po ang nangako, at kayo rin ang tumupad sa araw na ito. 25 At ngayon, Panginoon, Dios ng Israel, tuparin nʼyo rin po ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama nang sinabi nʼyo sa kanya, ‘Laging sa angkan mo magmumula ang maghahari sa Israel kung matapat na susunod sa akin ang mga angkan mo, tulad ng iyong ginawa.’ 26 Kaya ngayon, O Dios ng Israel, tuparin nʼyo ang ipinangako ninyo sa lingkod ninyong si David na aking ama.
27 “Pero makakapanahan po ba talaga kayo, O Dios, dito sa mundo? Ni hindi nga po kayo magkasya kahit sa pinakamataas na langit, dito pa kaya sa templo na ipinatayo ko? 28 Ngunit pakinggan ninyo ako na inyong lingkod sa aking pananalangin at pagsusumamo, O Panginoon na aking Dios. Pakinggan nʼyo ang panawagan at pananalangin ko sa inyong presensya ngayon. 29 Ingatan nʼyo po sana ang templong ito araw at gabi, ang lugar na sinabi nʼyong dito pararangalan ang pangalan nʼyo. Pakinggan nʼyo po sana ako na inyong lingkod sa aking pananalangin na nakaharap sa lugar na ito. 30 Pakinggan nʼyo po ang kahilingan ko at ng mga mamamayan nʼyo kapag silaʼy nanalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan nʼyo kami riyan sa inyong luklukan sa langit. At kung marinig nʼyo kami, patawarin nʼyo po kami.
41-42 “Kung ang mga dayuhan na nakatira sa malayong lugar ay makarinig ng inyong kadakilaan at kapangyarihan, at pumunta sila rito para sumamba sa inyo at manalangin na nakaharap sa templong ito, 43 dinggin nʼyo po sila riyan sa inyong luklukan sa langit. At gawin ang kahit anong hinihiling nila, para ang lahat po ng tao sa mundo ay makakilala sa inyo at gumalang po sa inyo gaya ng inyong mga mamamayang Israelita. At para malaman po nilang pinaparangalan kayo sa templo na aking ipinatayo.
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Mga Kagamitang Pandigma na Kaloob ng Dios
10 At bilang pangwakas, magpakatatag kayo sa Panginoon sa pamamagitan ng dakila niyang kapangyarihan. 11 Gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios para malabanan nʼyo ang mga lalang ng diyablo. 12 Sapagkat ang kalaban natin ay hindi mga tao kundi masasamang espiritu sa himpapawid – mga pinuno, may kapangyarihan at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa mundong ito. 13 Kaya gamitin nʼyo ang lahat ng kagamitang pandigma na ibinigay sa inyo ng Dios, para sa oras na dumating ang kasamaan ay magawa ninyong makipaglaban, at pagkatapos ng pakikipaglaban ay manatili pa rin kayong matatag.
14 Kaya maging handa kayo. Gawin ninyong sinturon ang katotohanan. Isuot nʼyo ang pagkamatuwid bilang pananggalang sa dibdib ninyo. 15 Isuot nʼyo bilang sapatos ang pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita na nagbibigay ng kapayapaan. 16 Hindi lang iyan, gamitin din ninyo bilang panangga ang pananampalataya ninyo para hindi kayo tablan ng mga panunukso ni Satanas na parang mga palasong nagliliyab. 17 Isuot nʼyo bilang helmet ang tinanggap ninyong kaligtasan, at gamitin nʼyo bilang espada ang Salita ng Dios na kaloob ng Banal na Espiritu. 18 At manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin nʼyo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal.[a] 19 Ipanalangin din ninyo ako sa tuwing mangangaral ako, na bigyan ako ng Dios ng wastong pananalita para maipahayag ko nang buong tapang ang Magandang Balita na inilihim noon. 20 Sapagkat isinugo ako ng Dios para mangaral ng Magandang Balitang ito na siyang dahilan ng pagkakabilanggo ko. Kaya kung maaari, ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat.
56 Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Ang Dios Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum.
Ang mga Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang marinig iyon ng mga tagasunod ni Jesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” 61 Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang mga tagasunod niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ako na Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa aking pinanggalingan? 63 Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay. 64 Pero may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Jesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magtatraydor sa kanya. 65 “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama.” Dagdag pa ni Jesus.
66 Mula noon, marami sa mga tagasunod niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Kaya tinanong ni Jesus ang 12 apostol, “Kayo ba, gusto rin ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®