Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 51:1-12

51 Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.

Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.

Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.

Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap; at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.

Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.

Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan; upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.

Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.

10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.

11 Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.

12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas: at alalayan ako ng kusang espiritu.

Josue 23

23 At nangyari pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon;

Na tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang mga matanda, at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom at ang kanilang mga pinuno, at sinabi sa kanila, Ako'y matanda na at puspos ng mga taon:

At inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo; sapagka't ipinakipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.

Narito, aking binahagi sa inyo ang mga bansang ito na nangalabi, upang maging mana sa inyong mga lipi, mula sa Jordan pati ng lahat na bansa na aking inihiwalay, hanggang sa malaking dagat na dakong nilulubugan ng araw.

At itataboy sila ng Panginoon ninyong Dios mula sa harap ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aariin ang kanilang lupain na gaya ng sinalita ng Panginoon ninyong Dios sa inyo.

Kaya't kayo'y magpakatapang na mabuti na ingatan at gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises na huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;

Na huwag kayong pumasok sa mga bansang ito, sa mga ito na nangalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang pangalan ng kanilang mga dios, ni magpasumpa sa pangalan ng mga yaon, ni maglingkod sa mga yaon, ni yumukod sa mga yaon:

Kundi lumakip kayo sa Panginoon ninyong Dios, na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.

Sapagka't pinalayas ng Panginoon sa harap ninyo ang mga malaking bansa at malakas: nguni't tungkol sa inyo, ay walang tao na tumayo sa harap ninyo hanggang sa araw na ito.

10 Isang lalake sa inyo ay hahabol sa isang libo: sapagka't ipinakikipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios, gaya ng sinalita niya sa inyo.

11 Magpakaingat nga kayong mabuti sa inyong sarili, na inyong ibigin ang Panginoon ninyong Dios.

12 Kung inyo ngang tatalikuran sa anomang paraan at lalakip sa nangalabi sa mga bansang ito, sa mga ito na nangalabi sa gitna ninyo, at kayo'y magaasawa sa kanila, at kayo'y lalakip sa kanila, at sila sa inyo:

13 Ay tatalastasin ninyong lubos na hindi pa palalayasin ng Panginoon ninyong Dios ang mga bansang ito sa inyong paningin: kundi sila'y magiging silo at lalang sa inyo, at panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y malipol dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.

14 At, narito, sa araw na ito ay yumayaon ako sa lakad ng buong lupa: at inyong talastas sa inyong buong puso at sa inyong buong kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na sinalita ng Panginoon ninyong Dios tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.

15 At mangyayari, na kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay ay nangyari sa inyo na sinalita sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, ay gayon dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng mga masamang bagay, hanggang sa kayo'y malipol niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.

16 Pagka inyong sinalangsang ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang iniutos sa inyo, at yumaon at naglingkod sa ibang mga dios at yumukod sa mga yaon; ang galit nga ng Panginoon ay magaalab laban sa inyo, at kayo'y malilipol na madali sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa inyo.

1 Corinto 11:27-34

27 Kaya't ang sinomang kumain ng tinapay, o uminom sa saro ng Panginoon, na di nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.

28 Datapuwa't siyasatin ng tao ang kaniyang sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa saro.

29 Sapagka't ang kumakain at umiinom, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili, kung hindi niya kinikilala ang katawan ng Panginoon.

30 Dahil dito'y marami sa inyo ang mahihina at mga masasaktin, at hindi kakaunti ang nangatutulog.

31 Datapuwa't kung ating kilalanin ang ating sarili, ay hindi tayo hahatulan.

32 Datapuwa't kung tayo'y hinahatulan, ay pinarurusahan tayo ng Panginoon, upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanglibutan.

33 Dahil dito, mga kapatid ko, kung kayo'y mangagsasalosalo sa pagkain, ay mangaghintayan kayo.

34 Kung ang sinoman ay magutom, kumain siya sa bahay; upang ang inyong pagsasalosalo ay huwag maging sa paghatol. At ang iba ay aking aayusin pagpariyan ko.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain