Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 37:12-22

12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
    at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
    dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
    at nakaumang na ang kanilang mga pana
    upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
    kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
    ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
    At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
    Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
    Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
    Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.

21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
    ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
    Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.

2 Samuel 11:22-27

22 Lumakad ang mensahero, at pagdating niya kay David sinabi niya rito ang lahat ng ipinapasabi ni Joab. 23 Sinabi niya kay David, “Sinalakay po kami ng mga kalaban sa kapatagan, pero hinabol po namin sila pabalik sa pintuan ng lungsod nila. 24 Pagkatapos, pinana po kami ng mga mamamana na nandoon sa pader at napatay po ang ilan sa mga sundalo nʼyo pati na ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.”

25 Sinabi ni David sa mensahero, “Sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, dahil hindi natin masasabi kung sino ang mamamatay sa labanan. Sabihin mo sa kanya na lakasan niya ang loob niya, at pagbutihin pa niya ang pagsalakay sa lungsod hanggang sa maibagsak ito.”

26 Nang malaman ni Batsheba na napatay ang asawa niyang si Uria, nagluksa siya. 27 Pagkatapos ng pagluluksa, ipinasundo siya ni David at dinala sa palasyo. Naging asawa siya ni David at hindi nagtagal, nanganak siya ng isang lalaki. Pero ang ginawa ni David ay masama sa paningin ng Panginoon.

Roma 15:22-33

Ang Plano ni Pablo na Pagpunta sa Roma

22 Ang pangangaral ko sa mga lugar dito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nakakarating diyan sa inyo. 23 Pero ngayong natapos ko na ang mga gawain ko rito, at dahil matagal ko nang gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita na tayo ngayon. Dadaan ako riyan sa pagpunta ko sa España. At alam kong magiging masaya ako sa ating pagkikita kahit saglit lang. Inaasahan ko rin na matutulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa España mula riyan. 25 Pero sa ngayon, kailangan ko munang pumunta sa Jerusalem para ihatid ang tulong sa mga pinabanal[a] ng Dios. 26 Sapagkat minabuti ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya na magbigay ng tulong para sa mga mahihirap na pinabanal ng Dios doon sa Jerusalem. 27 Masaya nilang ginagawa ito, at ito ang nararapat, dahil may utang na loob sila sa mga kapatid sa Jerusalem. Kung ang mga hindi Judio ay nakabahagi sa pagpapalang espiritwal ng mga Judio, dapat lang na tulungan nila ang mga Judio sa mga pagpapalang materyal. 28 Pagkatapos kong maihatid ang nakolektang tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, dadaan ako riyan sa inyo bago ako pumunta sa España. 29 Naniniwala ako na pagdating ko riyan, dala ko ang maraming pagpapala para sa inyo mula kay Cristo.

30 Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig na bigay ng Banal na Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na panalangin sa Dios para sa akin. 31 Ipanalangin ninyo na maligtas ako sa mga di-mananampalataya sa Judea, at malugod na tanggapin ng mga pinabanal ng Dios sa Jerusalem ang dala kong tulong para sa kanila. 32 Sa ganoon, masaya akong darating diyan sa inyo kung loloobin ng Dios, at makakapagpahinga sa piling ninyo. 33 Patnubayan nawa kayo ng Dios na nagbibigay ng kapayapaan. Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®