Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 37:12-22

12 Ang mga masama ay nagpaplano ng hindi mabuti laban sa mga matuwid,
    at galit na galit sila.
13 Ngunit tinatawanan lamang ng Panginoon ang mga masama,
    dahil alam niyang malapit na ang oras ng paghahatol.
14 Binunot na ng masasama ang kanilang mga espada,
    at nakaumang na ang kanilang mga pana
    upang patayin ang mga dukha na namumuhay nang matuwid.
15 Ngunit sila rin ang masasaksak ng kanilang sariling espada
    at mababali ang kanilang mga pana.

16 Ang kaunting tinatangkilik ng matuwid ay mas mabuti
    kaysa sa kayamanan ng masama.
17 Dahil tutulungan ng Panginoon ang matuwid,
    ngunit mawawalan ng kakayahan ang taong masama.
18 Araw-araw, inaalagaan ng Panginoon ang mga taong matuwid.
    At tatanggap sila ng gantimpalang pangwalang hanggan.
19 Sa panahon ng kahirapan hindi sila malalagay sa kahihiyan.
    Kahit na taggutom, magkakaroon pa rin sila ng kasaganaan.
20 Ngunit ang mga taong masamaʼy mamamatay.
    Ang mga kaaway ng Panginoon ay mamamatay tulad ng bulaklak.
    Silaʼy maglalaho na gaya ng usok.

21 Ang taong masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad,
    ngunit ang taong matuwid ay naaawa at nagbibigay ng sagana.
22 Ang mga pinagpapala ng Panginoon ay patuloy na titira sa lupain ng Israel.
    Ngunit silang mga isinumpa niya ay palalayasin.

2 Samuel 11:14-21

14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Uria. 15 Ito ang isinulat niya: “Ilagay mo si Uria sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay.” 16 Kaya habang pinaliligiran nila ang Rabba, inilagay ni Joab si Uria sa lugar kung saan alam niyang malalakas ang mga kalaban. 17 Sinalakay ng mga kalaban sina Joab at napatay si Uria na Heteo kasama ng iba pang mga sundalo ni David. 18 Nagpadala si Joab ng balita kay David tungkol sa lahat ng nangyari sa labanan. 19 Sinabi niya sa mensahero, “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang nangyari sa labanan, 20 maaaring magalit siya at tanungin ka, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lungsod habang nakikipaglaban? Hindi nʼyo ba naiisip na maaari nila kayong mapana mula sa pader? 21 Hindi ba ninyo naaalala kung paano namatay si Abimelec na anak ni Jerub Beshet[a] sa Tebez? Hindi baʼt hinulugan siya ng isang babae ng gilingang bato mula sa itaas ng pader, at namatay siya? Bakit lumapit kayo sa pader?’ Kung magtatanong siya nang ganito, sabihin mo sa kanya, ‘Namatay din po ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.’ ”

Filipos 4:10-20

Ang Pasasalamat ni Pablo sa Kanilang Tulong

10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil muli nʼyong ipinakita ang pagmamalasakit nʼyo sa akin. Alam kong lagi kayong nagmamalasakit sa akin, kaya lang wala kayong pagkakataong maipakita ito. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil nanghihingi ako ng tulong sa inyo. Sapagkat natutunan kong maging kontento anuman ang kalagayan ko. 12 Marunong akong mamuhay sa hirap o ginhawa. Natutunan ko na ang lahat ng ito, kaya maging anuman ang kalagayan ko, busog man o gutom, sagana o salat, kontento pa rin ako. 13 Kaya kong harapin ang kahit anong kalagayan sa pamamagitan ng tulong ni Cristo na nagpapatatag sa akin. 14 Ganoon pa man, nagpapasalamat ako dahil tinulungan nʼyo ako sa kagipitan ko. 15 Alam naman ninyong mga taga-Filipos na noong umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lang sa pangangaral ng Magandang Balita, walang ibang iglesya na tumulong sa mga pangangailangan ko kundi kayo lang. 16 Kahit noong nasa Tesalonica ako, ilang ulit din kayong nagpadala ng tulong sa akin. 17 Sinasabi ko ito, hindi dahil gusto kong makatanggap ulit ng tulong mula sa inyo, kundi dahil gusto kong makatanggap kayo ng mga gantimpala dahil sa kagandahang-loob ninyo. 18 Ngayon, dahil sa tulong na ipinadala nʼyo sa akin sa pamamagitan ni Epafroditus, natugunan na ang mga pangangailangan ko at sobra pa nga. Ang tulong ninyo ay tulad ng mabangong handog sa Dios na tinatanggap niya nang may kasiyahan. 19 At dahil kayoʼy nakay Cristo Jesus, ibibigay sa inyo ng aking Dios ang lahat ng pangangailangan nʼyo, mula sa kasaganaan ng kayamanan niya. 20 Purihin natin ang ating Dios at Ama magpakailanman. Amen.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®