Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Kasamaan ng Tao
(Salmo 53)
14 “Walang Dios!”
Iyan ang sinasabi ng mga hangal sa kanilang sarili.
Masasama sila at kasuklam-suklam ang kanilang mga gawa.
Ni isa sa kanila ay walang gumagawa ng mabuti.
2 Mula sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat ng tao,
kung may nakakaunawa ng katotohanan at naghahanap sa kanya.
3 Ngunit ang lahat ay naligaw ng landas at pare-parehong nabulok ang pagkatao.
Wala kahit isa man ang gumagawa ng mabuti.
4 Kailan kaya matututo ang masasamang tao?
Sinasamantala nila ang aking mga kababayan para sa kanilang pansariling kapakanan.
At hindi sila nananalangin sa Panginoon.
5 Ngunit darating ang araw na manginginig sila sa takot,
dahil kakampihan ng Dios ang mga matuwid.
6 Sinisira ng masasamang tao ang mga plano ng mga dukha,
ngunit ang Panginoon ang magiging kanlungan nila.
7 Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!
Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Panginoon,
kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
13 Sumalakay sina Joab at ang mga tauhan niya sa mga Arameo, at nagsitakas ang mga Arameo sa kanila. 14 Nang makita ng mga Ammonita na tumatakas ang mga Arameo, tumakas din sila palayo kay Abishai at pumasok sa lungsod nila. Pagkatapos, umuwi sina Joab sa Jerusalem mula sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.
15 Nang mapansin ng mga Arameo na natatalo sila ng mga Israelita, muli silang nagtipon. 16 Tinulungan sila ng ibang mga Arameo na ipinatawag ni Hadadezer mula sa kabila ng Ilog ng Eufrates. Pumunta sila sa Helam sa pamumuno ni Shobac na kumander ng mga sundalo ni Hadadezer.
17 Nang malaman ito ni David, tinipon niya ang lahat ng sundalo ng Israel, tumawid sila sa Ilog ng Jordan at pumunta sa Helam. Naghanda ang mga Arameo para harapin si David, at nakipaglaban sila sa kanya. 18 Pero muling tumakas ang mga Arameo sa mga Israelita. Napatay nina David ang 700 mangangarwahe at 40,000 mangangabayo.[a] Napatay din nila si Shobac, ang kumander ng mga sundalo. 19 Nang makita ng mga haring kaanib ng mga Arameo, na sakop ni Hadadezer, na natalo sila ng mga Israelita, nakipagkasundo sila sa mga Israelita at nagpasakop sa kanila. Kaya mula noon natakot nang tumulong ang mga Arameo sa mga Ammonita.
31 Samantala, pinapakiusapan ng mga tagasunod niya si Jesus na kumain na. 32 Pero sumagot si Jesus, “May pagkain akong hindi ninyo alam.” 33 Kaya nagtanungan ang mga tagasunod niya, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko ay ang pagsunod sa kalooban ng nagsugo sa akin at ang pagtupad sa kanyang ipinapagawa. 35 Hindi ba sinasabi nʼyo na apat na buwan pa bago ang anihan? Ngunit sinasabi ko sa inyo, anihan na. Tingnan nʼyo ang mga taong dumarating, para silang mga pananim sa bukid na hinog na at pwede nang anihin! 36 Kayong mga tagapag-ani ay tatanggap ng gantimpala mula sa Dios. At ang mga taong inaani ninyo ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan. Kaya magkasamang matutuwa ang nagtanim ng salita ng Dios at ang nag-ani. 37 Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba rin ang umaani.’ 38 Sinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang nagtanim ng salita ng Dios, at kayo ang umaani ng kanilang pinaghirapan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®