Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 61

Panalangin para Ingatan ng Dios

61 O Dios, pakinggan nʼyo ang aking panawagan.
    Dinggin nʼyo ang aking dalangin.
Mula sa dulo ng mundo,
    tumatawag ako sa inyo dahil nawalan na ako ng pag-asa.
    Dalhin nʼyo ako sa lugar na ligtas sa panganib,[a]
dahil kayo ang aking kanlungan,
    tulad kayo ng isang toreng matibay
    na pananggalang laban sa kaaway.
Hayaan nʼyo akong tumira sa inyong templo magpakailanman
at ingatan nʼyo ako tulad ng manok na nag-iingat ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
Dahil napakinggan nʼyo, O Dios, ang aking mga pangako sa
    at binigyan nʼyo ako ng mga bagay na ibinibigay nʼyo sa mga may takot sa inyo.
Pahabain nʼyo ang buhay ng hari at paghariin nʼyo siya sa mahabang panahon sa pamamagitan ng kanyang mga lahi.
Sanaʼy maghari siya magpakailanman na kasama nʼyo, O Dios,
    at ingatan nʼyo siya sa inyong pag-ibig at katapatan.
At akoʼy palaging aawit ng papuri sa inyo,
    at tutuparin kong lagi ang aking mga pangako sa inyo.

2 Samuel 9

Si David at si Mefiboset

Isang araw, nagtanong si David, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonatan?” Ipinatawag ni David ang isang tao na nagngangalang Ziba, isang utusan mula sa sambahayan ni Saul. Pagdating niya, tinanong siya ni David, “Ikaw ba si Ziba?” Sumagot siya, “Ako nga po.” Muling nagtanong ang hari, “May natitira pa ba sa sambahayan ni Saul na maaari kong pakitaan ng kabutihan ng Dios?” Sumagot siya, “Mayroon po, ang lumpong anak na lalaki ni Jonatan.” “Nasaan siya?” tanong ng hari. Sumagot si Ziba, “Naroon po sa Lo Debar, sa bahay ni Makir na anak ni Amiel.” Kaya ipinasundo siya ni David mula sa bahay ni Makir.

Ang pangalan ng anak ni Jonatan ay Mefiboset at apo siya ni Saul. Pagdating niya kay David, yumukod siya bilang paggalang dito. Sinabi ni David sa kanya, “Ikaw pala si Mefiboset.” Sumagot siya, “Ako nga po.” Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot. Ipinatawag kita dahil gusto kitang pakitaan ng kabutihan dahil sa iyong amang si Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at hindi lang iyan, dito ka na palagiang kakain kasama ko.” Yumukod si Mefiboset at sinabi, “Sino po ako para tratuhin nʼyo ako ng ganito? Gaya lang po ako ng isang patay na aso.” Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Ziba, ang dating utusan ni Saul at sinabi, “Ibinigay ko na sa apo ng amo mong si Saul ang lahat ng ari-arian ng kanyang lolo. 10 Ikaw, ang mga anak mo, at ang mga utusan mo ang magsasaka ng lupain para sa kanya, at dapat mong dalhin sa kanya ang mga ani para may pagkain ang sambahayan ng amo mo.[a] Pero si Mefiboset naman ay kakaing kasama ko.” (May 15 anak na lalaki at 20 utusan si Ziba.)

11 Sumagot si Ziba sa hari, “Gagawin ko po, Mahal na Hari, ang lahat ng iniutos nʼyo sa akin na inyong lingkod.” Mula noon, palaging kumakain si Mefiboset kasama ni David na parang isa sa mga anak niya. 12 May bata pang anak na lalaki si Mefiboset na nagngangalang Mica. Ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ziba ay naging utusan ni Mefiboset. 13 At si Mefiboset na lumpo ang dalawang paa ay nanirahan sa Jerusalem, at palagi siyang kumakain kasama ni Haring David.

Lucas 15:1-7

Ang Nawawalang Tupa(A)

15 Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang pumunta kay Jesus upang makinig sa kanya. Kaya nagreklamo ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila, “Ang taong itoʼy tumatanggap ng mga makasalanan at kumakaing kasama nila.” Kaya kinuwentuhan sila ni Jesus, “Kung kayo ay may 100 tupa at nawala ang isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi baʼt iiwan ninyo ang 99 sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa makita ninyo? At kapag nakita na ninyo, masaya ninyo itong papasanin pauwi. Pagkatapos, tatawagin ninyo ang inyong mga kaibigan at kapitbahay ninyo at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, dahil nakita ko na ang nawawala kong tupa.’ ” At sinabi ni Jesus, “Ganoon din sa langit, masayang-masaya sila roon dahil sa isang makasalanang nagsisisi kaysa sa 99 na matuwid na hindi nangangailangang magsisi.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®