Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 61

61 Dinggin mo ang aking daing, Oh Dios; pakinggan mo ang aking dalangin.

Mula sa wakas ng lupa ay tatawag ako sa iyo, pagka nanglupaypay ang aking puso: patnubayan mo ako sa malaking bato na lalong mataas kay sa akin.

Sapagka't ikaw ay naging aking kanlungan, matibay na moog sa kaaway.

Ako'y tatahan sa iyong tabernakulo magpakailan man: ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. (Selah)

Sapagka't dininig mo, Oh Dios, ang aking mga panata: ibinigay mo ang mana sa nangatatakot sa iyong pangalan.

Iyong pahahabain ang buhay ng hari: Ang kaniyang mga taon ay magiging parang malaong panahon.

Siya'y tatahan sa harap ng Dios magpakailan man: Oh maghanda ka ng kagandahang-loob at katotohanan, upang mapalagi siya.

Sa gayo'y aawit ako ng pagpuri sa iyong pangalan magpakailan man. Upang maisagawa ko araw-araw ang aking mga panata.

2 Samuel 7:18-29

18 Nang magkagayo'y ang haring si David ay pumasok, at umupo sa harap ng Panginoon: at kaniyang sinabi, Sino ako, Oh Panginoong Dios, at ano ang aking sangbahayan na ako'y iyong dinala sa ganiyang kalayo?

19 At ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, Oh Panginoong Dios; nguni't ikaw ay nagsalita naman ng tungkol sa sangbahayan ng iyong lingkod nang hanggang sa malaong panahong darating; at ito ay ayon sa paraan ng tao, Oh Panginoong Dios!

20 At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? sapagka't iyong kilala ang iyong lingkod, Oh Panginoong Dios.

21 Dahil sa iyong salita, at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang buong kadakilaang ito, upang iyong ipakilala sa iyong lingkod.

22 Kaya't ikaw ay dakila, Oh Panginoong Dios: sapagka't walang gaya mo, o may ibang Dios pa bukod sa iyo, ayon sa lahat na aming naririnig ng aming mga pakinig.

23 At anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayan, gaya ng Israel, na tinubos ng Dios sa kaniyang sarili na pinakabayan, at upang gawin niya sa kaniyang isang pangalan, at upang igawa kayo ng mga dakilang bagay, at ng mga kakilakilabot na mga bagay ang iyong lupain, sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos para sa iyo mula sa Egipto, mula sa mga bansa at sa kanilang mga dios?

24 At iyong itinatag sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging bayan sa iyo magpakailan man; at ikaw, Panginoon, ay naging kanilang Dios.

25 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kaniyang sangbahayan, iyong pagtibayin nawa magpakailan man, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita.

26 At dumakila ang iyong pangalan magpakailan man, sa pagsasabi: Ang Panginoon ng mga hukbo ay Dios sa Israel: at ang sangbahayan ng iyong lingkod na si David ay matatag sa harap mo.

27 Sapagka't ikaw, Oh Panginoon ng mga hukbo, ang Dios ng Israel ay napakita ka sa iyong lingkod na iyong sinasabi, Aking ipagtatayo ka ng isang bahay; kaya't nasumpungan ng iyong lingkod sa kaniyang puso na idalangin ang panalanging ito sa iyo.

28 At ngayon, Oh Panginoong Dios, ikaw ay Dios at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod:

29 Ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sangbahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailan man sa harap mo: sapagka't ikaw, Oh Panginoong Dios ay nagsalita: at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sangbahayan ng iyong lingkod magpakailan man.

Mga Hebreo 13:17-25

17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo'y pasakop sa kanila: sapagka't pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito'y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka't sa ganito'y di ninyo mapapakinabangan.

18 Idalangin ninyo kami: sapagka't kami'y naniniwalang lubos na kami ay may mabuting budhi, na nagnanasang mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.

19 At iniaaral ko sa inyong malabis na inyong gawin ito, upang ako'y masauli na lalong madali sa inyo.

20 Ngayon ang Dios ng kapayapaan na muling nagdala mula sa mga patay sa dakilang pastor ng mga tupa sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, sa makatuwid baga'y ang Panginoon nating si Jesus,

21 Ay pakasakdalin nawa niya kayo sa bawa't mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa atin ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

22 Datapuwa't ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na inyong pagtiisan ang salitang iniaral: sapagka't kayo'y sinulatan ko ng ilang salita.

23 Inyong talastasin na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinawalan na; na kung siya'y dumating na madali, kayo'y makikita kong kasama niya.

24 Batiin ninyo ang lahat ng mga namiminuno sa inyo, at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng nangasa Italia.

25 Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain