Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
2 Samuel 6:1-5

At pinisan uli ni David ang lahat na piling lalake sa Israel, na tatlong pung libo.

At bumangon si David at yumaon na kasama ng buong bayan na nasa kaniya, mula sa Baale Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, na tinatawag sa Pangalan, sa makatuwid baga'y sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa gitna ng mga querubin.

At kanilang inilagay ang kaban ng Dios sa isang bagong karo, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol: at si Uzza at si Ahio, na mga anak ni Abinadab, ay siyang nagpatakbo ng bagong karo.

At kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab, na nasa burol, pati ng kaban ng Dios: at si Ahio ay nagpauna sa kaban.

At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo.

2 Samuel 6:12-19

12 At nasaysay sa haring kay David, na sinasabi, Pinagpala ng Panginoon ang sangbahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol sa kaniya, dahil sa kaban ng Dios. At yumaon si David at iniahon ang kaban ng Dios mula sa bahay ni Obed-edom, hanggang sa bayan ni David, na may kagalakan.

13 At nagkagayon na nang yaong mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghain ng isang baka at isang pinataba.

14 At nagsayaw si David ng kaniyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay nabibigkisan ng isang epod na lino.

15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sangbahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon, na may hiyawan, at may tunog ng pakakak.

16 At nagkagayon, sa pagpapasok ng kaban ng Panginoon sa bayan ni David, na si Michal na anak ni Saul ay tumitingin sa dungawan, at nakita na ang haring si David ay naglulukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kaniyang niwalan ng kabuluhan siya sa kaniyang puso.

17 At kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kaniyang dako, sa gitna ng tolda na itinayo ni David: at naghandog si David ng mga handog na susunugin at mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.

18 At nang makatapos si David na maghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, kaniyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.

19 At kaniyang binahagi sa buong bayan, sa makatuwid baga'y sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalake at gayon din sa mga babae, sa bawa't isa ay isang tinapay at isang bahaging lamang kati, at isang binilong pasas. Sa gayo'y ang buong bayan ay yumaon bawa't isa sa kaniyang bahay.

Awit 24

24 Ang lupa ay sa Panginoon at ang buong narito; ang sanglibutan, at silang nagsisitahan dito.

Sapagka't itinatag niya sa ibabaw ng mga dagat, at itinatayo sa ibabaw ng mga baha.

Sinong aahon sa bundok ng Panginoon? At sinong tatayo sa kaniyang dakong banal?

Siyang may malinis na mga kamay at may dalisay na puso; na hindi nagmataas ang kaniyang kaluluwa sa walang kabuluhan, at hindi sumumpa na may kabulaanan.

Siya'y tatanggap ng pagpapala sa Panginoon, at ng katuwiran sa Dios ng kaniyang kaligtasan.

Ito ang lahi ng mga nagsisihanap sa kaniya, na nagsisihanap ng iyong mukha, sa makatuwid baga'y Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; at kayo'y mangataas, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoong malakas at makapangyarihan, ang Panginoong makapangyarihan sa pagbabaka.

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, Oh kayong mga pintuang-bayan; Oo, magsitaas kayo, kayong mga walang hanggang pintuan: at ang hari ng kaluwalhatian ay papasok.

10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian? Ang Panginoon ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. (Selah)

Efeso 1:3-14

Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:

Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig:

Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,

Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa Minamahal:

Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,

Na pinasagana niya sa atin, sa buong karunungan at katalinuhan,

Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.

10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,

11 Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;

12 Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:

13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako,

14 Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.

Marcos 6:14-29

14 At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.

15 At sinasabi ng mga iba, Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.

16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.

17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.

18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.

19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;

20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya na may galak.

21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake sa Galilea;

22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.

23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.

24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.

25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.

26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.

27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,

28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.

29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain