Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Dakilang Hari
24 Ang buong mundo at ang lahat ng naririto ay pag-aari ng Panginoon.
2 Itinayo niya ang pundasyon ng mundo sa kailaliman ng dagat.
3 Sino ang karapat-dapat umakyat sa bundok ng Panginoon?
At sino ang maaaring tumungtong sa kanyang banal na templo?
4 Makatutungtong ang may matuwid na pamumuhay at malinis na puso,
ang hindi sumasamba sa mga dios-diosan,
at ang hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Pagpapalain siya at ipapawalang-sala ng Panginoon, ang Dios na kanyang Tagapagligtas.
6 Iyan ang mga taong makakalapit at sasamba sa Dios ni Jacob.
7 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
8 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoong malakas at matatag sa pakikipaglaban.
9 Buksan ninyo nang maluwang ang mga lumang pintuan ng templo
upang makapasok ang Haring makapangyarihan!
10 Sino ang Haring makapangyarihan?
Siya ang Panginoon na pinuno ng hukbo ng kalangitan.
Tunay nga siyang Haring makapangyarihan!
Ang Paggawa ng Kahon ng Kasunduan(A)
37 Ginawa nina Bezalel ang Kahon ng Kasunduan. Kahoy ng akasya ang ginamit nila. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito. 2 Binalutan ito ng purong ginto sa loob at labas, at nilagyan ng hinulmang ginto ang mga palibot nito. 3 Ginawaan din nila ito ng apat na argolyang[a] ginto at ikinabit sa apat na paa nito. 4 Gumawa sila ng tukod na akasya na binalutan ng ginto. 5 Ikinabit nila ang mga argolya sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.
6 Ginawaan din nila ang Kahon ng takip na purong ginto. May 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 7-8 Gumawa rin sila ng dalawang gintong kerubin, at inilagay sa bawat dulo ng takip ng Kahon. 9 Nakalukob ang mga pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito. Magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip.
Ang Paggawa ng Mesa na Nilalagyan ng Tinapay(B)
10 Gumawa rin sila ng mesang akasya na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at 27 pulgada ang taas. 11 Binalutan ito ng purong ginto at nilagyan ng hinulmang ginto ang palibot nito. 12 Nilagyan din nila ng sinepa[b] ang bawat gilid. Mga apat na pulgada ang lapad at nilagyan din nila ng hinulmang ginto ang sinepa. 13 Pagkatapos, gumawa sila ng apat na argolyang ginto, at ikinabit ito sa apat na paa ng mesa, 14 malapit sa sinepa. Dito nila isinuksok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 15 Gawa sa akasya ang mga tukod na ito at nababalot ng ginto. 16 Gumawa rin sila ng mga kagamitang purong ginto para sa mesa: pinggan, tasa, mangkok at banga na gagamitin para sa mga handog na inumin.
Ang Ilan pang mga Bilin
2 Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. 3 Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. 4 Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. 6 Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.
Mga Pangangamusta
7 Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tykicus ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman nʼyo ang kalagayan namin, nang lumakas naman ang loob ninyo. 9 Kasama niya sa pagpunta riyan si Onesimus, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari rito.
10 Kinukumusta kayo nina Aristarcus na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya riyan.) 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Dios, at pinapalakas nila ang loob ko.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. 13 Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.
15 Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nymfa at sa mga mananampalataya[a] na nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila. 17 Pakisabi kay Arkipus na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako, si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito.
Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan.
Pagpalain nawa kayo ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®