Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 18:1-6

Awit ng Tagumpay ni David(A)

18 Iniibig ko kayo Panginoon. Kayo ang aking kalakasan.
Panginoon, kayo ang aking matibay na batong kanlungan at pananggalang.
    Kayo ang aking Tagapagligtas na nag-iingat sa akin.
Karapat-dapat kayong purihin, Panginoon,
    dahil kapag tumatawag ako sa inyo, inililigtas nʼyo ako sa mga kalaban ko.

4-5 Ang kamatayaʼy parang lubid na nakapulupot sa akin at parang bitag sa aking dadaanan,
    na para ring malakas na agos na tumatangay sa akin.
Kinakabahan ako! Humingi ako ng tulong sa inyo, Panginoon kong Dios,
    at pinakinggan nʼyo ang panalangin ko sa inyong templo.

Salmo 18:43-50

43 Akoʼy iniligtas nʼyo sa mga rebelde,
    at ginawa nʼyo akong pinuno ng maraming bansa.
    Kahit akoʼy hindi nila kilala, pinaglingkuran nila ako.
44 Yumuyukod sila sa aking harapan.
    Naririnig pa lang nila ang tungkol sa akin, sumusunod agad sila sa utos ko.
45 Nawawalan sila ng lakas ng loob,
    kaya lumalabas sila sa kanilang pinagtataguan na nanginginig sa takot.
46 Buhay kayo, Panginoon!
    Karapat-dapat kayong purihin at dakilain,
    O Dios na aking batong kanlungan at Tagapagligtas!
47 Pinaghigantihan nʼyo ang aking mga kaaway,
    at ipinasailalim mo ang mga bansa sa aking kapangyarihan.
48 Inililigtas nʼyo ako sa mararahas kong kalaban,
    at pinagtagumpay nʼyo ako sa kanila.
49 Kaya pararangalan ko kayo sa mga bansa.
    O Panginoon, aawitan ko kayo ng mga papuri.
50 Sa hinirang nʼyong hari ay nagbigay kayo ng maraming tagumpay.
    Ang inyong pagmamahal ay ipinadama nʼyo kay David at sa kanyang lahi magpakailanman.

1 Samuel 31

Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)

31 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[a] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili. Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay sa tabi ni Saul. Kaya nang araw na iyon, namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang tagapagdala niya ng armas at ang lahat ng tauhan niya.

Nakita ng mga Israelitang nakatira sa kabilang bahagi ng lambak ng Jezreel at sa kabilang ilog ng Jordan ang pagtakas ng mga sundalong Israelita at pagkamatay ni Saul at ng kanyang mga anak. Kaya iniwan nila ang kani-kanilang bayan at nagsitakas. Dahil doon, pinasok at tinirhan ng mga Filisteo ang mga bayang ito.

Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang tatlong anak. Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kanyang armas. Pagkatapos nito, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa templo ng kanilang dios-diosan at mga kababayan ang kamatayan ni Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng diosa nilang si Ashtoret, at isinabit ang bangkay nito sa pader ng lungsod ng Bet Shan.

11 Nang mabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12 lumakad ang lahat ng matatapang nilang mandirigma nang buong gabi hanggang sa makarating sila sa Bet Shan. Kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak mula sa pader ng Bet Shan at dinala sa Jabes at sinunog ang mga ito roon. 13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto, inilibing sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila sa loob ng pitong araw.

2 Corinto 9:1-5

Hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga pinabanal[a] ng Dios sa Judea, dahil alam ko namang gustong-gusto ninyong tumulong. Ipinagmamalaki ko pa nga ito sa mga taga-Macedonia. Sinasabi ko sa kanila na mula pa noong nakaraang taon, kayong mga taga-Acaya ay handa ng magbigay ng tulong, at ito nga ang nagtulak sa karamihan sa kanila na magbigay din. Kaya nga pinauna ko na riyan sina Tito, para matiyak na handa na kayo sa inyong tulong gaya ng ipinagmalaki ko sa mga taga-Macedonia. Sa ganoon, hindi nila masasabi na walang kwenta ang pagmamalaki namin tungkol sa inyo. Sapagkat kung dumating ako riyan kasama ang ilang mga taga-Macedonia at makita nilang hindi pa pala kayo handa sa inyong ibibigay gaya ng sinabi ko sa kanila, mapapahiya ako at pati na rin kayo. Kaya nga naisip kong paunahin ang mga kapatid na ito sa akin para habang hindi pa ako nakakarating ay malikom na ang inyong mga ipinangakong tulong. At sa ganitong paraan, makikita ng mga tao na kusang-loob ang inyong pagbibigay, at hindi dahil napilitan lamang.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®