Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 115

Iisa ang Tunay na Dios

115 Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan,
    kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang,
    “Nasaan na ang inyong Dios?”

Ang aming Dios ay nasa langit,
    at ginagawa niya ang kanyang nais.
Ngunit ang kanilang mga dios ay yari sa pilak at ginto na gawa lang ng tao.
May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
    may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
    may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
    may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
    at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
Ang mga gumawa ng mga dios-diosan at nagtitiwala rito ay matutulad sa mga ito.

9-10 Kayong mga mamamayan ng Israel at kayong mga angkan ni Aaron,
    magtiwala kayo sa Panginoon.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11 Kayong mga may takot sa Panginoon,
    magtiwala kayo sa kanya.
    Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
12 Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon,
    pagpapalain niya ang mga mamamayan ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13 Pagpapalain niya ang lahat ng may takot sa kanya, dakila man o aba.
14 Paramihin sana kayo ng Panginoon,
    kayo at ang inyong mga angkan.
15 Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon na lumikha ng langit at ng lupa.
16 Ang kalangitan ay sa Panginoon, ngunit ang mundo ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17 Ang mga patay ay hindi na makakapagpuri sa Panginoon, dahil sila ay nananahimik na.
18 Tayong mga buhay ang dapat magpuri sa Panginoon ngayon at magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Ezra 9:5-15

Pagdating ng oras na iyon, tumigil ako sa pagdadalamhati. Lumuhod akong gutay-gutay ang damit, at nanalangin na nakataas ang mga kamay sa Panginoon na aking Dios. Sinabi ko, “Dios ko, hiyang-hiya po ako. Hindi ako makatingala sa inyo sa sobrang hiya, dahil sobra na ang mga kasalanan namin; parang umaapaw na po ito sa ulo namin at umabot na sa langit. Simula pa po sa kapanahunan ng mga ninuno namin hanggang ngayon, sobra na ang kasalanan namin; at dahil dito, kami at ang aming mga hari at mga pari ay palaging sinasakop ng mga hari ng ibang mga bansa. Pinatay nila ang iba sa amin, at ang iba naman ay binihag, ninakawan at pinahiya, katulad ng nangyayari sa amin ngayon.

“At ngayon, sa maikling panahon, kinahabagan nʼyo po kami, Panginoon na aming Dios. Niloob nʼyong may matira sa amin, at pinatira nʼyo kami nang may katiyakan sa lugar na ito na inyong pinili. Binigyan nʼyo po kami ng pag-asa at pinagaan nʼyo ang aming kalagayan sa pagkaalipin. Kahit mga alipin kami, hindi nʼyo kami pinabayaan sa pagkaalipin, sa halip ipinapakita nʼyo sa amin ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng mabuting pagtrato ng mga hari ng Persia sa amin. Ginawa nʼyo ito para mabigyan kami ng bagong buhay, at para maipatayo namin muli ang templo nʼyong nagiba, at mabigyan nʼyo po kami ng kalinga dito sa Juda at Jerusalem.

10 “Pero ngayong nagkasala kami, O aming Dios, ano pa ang masasabi namin? Sapagkat binalewala namin ang mga utos nʼyo 11 na ibinigay nʼyo sa amin sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ninyo. Sinabi nila sa amin na ang lupaing pupuntahan namin para angkinin ay maruming lupain dahil sa kasamaan ng mga naninirahan dito. Dinumihan nila ang lahat ng bahagi ng lupaing ito sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam nilang gawain. 12 Sinabi rin sa amin ng mga propeta na huwag kaming magsisipag-asawa sa kanila, at huwag kaming tutulong na umunlad sila, para maging matibay at maunlad kami,[a] at para manatili ang pag-unlad na ito sa mga lahi namin magpakailanman. 13 Pinarusahan nʼyo kami, O aming Dios, dahil sa mga kasalanan namin. Pero ang parusa nʼyo sa amin ay kulang pa po sa nararapat naming tanggapin, at niloob nʼyo pa na may matirang buhay sa amin. 14 Pero sa kabila nito, sinuway ulit namin ang mga utos nʼyo, at nagsipag-asawa kami ng mga taong gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain. Talagang magagalit kayo sa amin at lilipulin kami hanggang sa wala nang matira sa amin. 15 O Panginoon, Dios ng Israel, makatarungan po kayo, sapagkat niloob nʼyo na may matira pang buhay sa amin hanggang ngayon. Inaamin po namin ang aming mga kasalanan, at hindi kami makakatayo sa presensya nʼyo dahil sa mga kasalanang ito.”

Juan 16:16-24

Mapapalitan ng Galak ang Kalungkutan

16 “Sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli.” 17 Nagtanungan ang ilan sa mga tagasunod niya, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing sandaling panahon na lang at hindi na natin siya makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya na ang dahilan kung bakit hindi na natin siya makikita ay dahil babalik na siya sa kanyang Ama. 18 Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘sandaling panahon’? Hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.” 19 Alam ni Jesus na gusto sana nilang magtanong, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol sa sinabi ko na sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli? 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati sa mangyayari sa akin, pero sasaya ang mga taong makamundo. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan. 21 Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Pero pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo. 22 Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan.

23 “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin[a] ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®