Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan
47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
2 Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
3 Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
4 Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
5 Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.
6 Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
7 Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
8 Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
9 Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
at mataas ang paggalang nila sa kanya.
Ang Pagkamatay ni Moises
34 Mula sa kapatagan ng Moab, umakyat si Moises sa Bundok ng Nebo sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa Jerico. Doon ipinakita ng Panginoon ang buong lupain – mula sa Gilead hanggang sa Dan, 2 ang buong lupain ng Naftali, ang lupain ng Efraim at ng Manase, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[a] 3 ang Negev, at ang buong lupain mula sa Lambak ng Jerico (ang lungsod ng mga palma) hanggang sa Zoar.
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iyan ang lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob, at sinabi kong ibibigay ko ito sa kanilang salinlahi. Ipinakita ko ito sa iyo, pero hindi ka makakapunta roon.”
5 Kaya namatay si Moises na lingkod ng Panginoon, ayon sa sinabi ng Panginoon. 6 Inilibing siya sa Moab, sa lambak na nakaharap sa Bet Peor, pero hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung saan talaga siya inilibing. 7 Si Moises ay 120 taong gulang nang mamatay, pero malakas pa rin siya, at malinaw pa ang paningin.
4 Pero sinasabi ko sa inyo ang mga ito para pagdating ng pag-uusig, maaalala nʼyong sinabi ko na ito sa inyo.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong una, dahil kasama nʼyo pa ako. 5 Pero ngayon ay babalik na ako sa nagsugo sa akin, at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. 6 At ngayong sinabi ko na sa inyo, nalulungkot kayo. 7 Pero ang totoo, para sa ikabubuti nʼyo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. 8 Pagdating niya, ipapakita niya sa mga taong makamundo na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Dios. 9 Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. 11 Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Dios dahil hinatulan na si Satanas na siyang naghahari sa mga taong makamundo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®