Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 47

Ang Dios ang Hari sa Buong Sanlibutan

47 Kayong mga tao sa bawat bansa, magpalakpakan kayo!
    Sumigaw sa Dios nang may kagalakan.
Ang Panginoon, ang Kataas-taasang Dios at kagalang-galang.
    Siya ang dakilang Hari sa buong sanlibutan.
Ipinasakop niya sa aming mga Israelita ang lahat ng bansa.
Pinili niya para sa amin ang lupang ipinangako bilang aming mana.
    Itoʼy ipinagmamalaki ni Jacob na kanyang minamahal.
Ang Dios ay umaakyat sa kanyang trono
    habang nagsisigawan ang mga tao at tumutunog ang mga trumpeta.

Umawit kayo ng mga papuri sa Dios.
    Umawit kayo ng mga papuri sa ating hari.
Dahil ang Dios ang siyang Hari sa buong mundo.
    Umawit kayo sa kanya ng mga awit ng pagpupuri.
Ang Dios ay nakaupo sa kanyang trono at naghahari sa mga bansa.
Nagtitipon ang mga hari ng mga bansa,
    kasama ang mga mamamayan ng Dios ni Abraham.
    Ang mga pinuno sa mundo ay sa Dios,
    at mataas ang paggalang nila sa kanya.

Exodus 24:15-18

15 Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ng ulap ang bundok. 16 At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap. 17-18 Kaya pumasok si Moises sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nagpaiwan siya roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi. Para sa mga Israelitang nasa ibaba, parang apoy na naglalagablab ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa tuktok ng bundok.

Pahayag 1:9-18

Nagpakita si Cristo kay Juan

Ako si Juan na kapatid ninyo at kasama sa paghihirap, paghahari, at pagtitiis dahil tayo ay nakay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos dahil sa pangangaral ko ng salita ng Dios at ng katotohanang itinuro ni Jesus. 10 Noong araw ng Panginoon, pinuspos ako ng Banal na Espiritu, at narinig ko ang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta mula sa aking likuran. 11 At ito ang sinabi sa akin, “Isulat mo kung ano ang makikita mo, at ipadala agad sa pitong iglesya: sa Efeso, Smirna, Pergamum, Tiatira, Sardis, Filadelfia, at Laodicea.”

12 Nang marinig ko ito, lumingon agad ako upang tingnan kung sino ang nagsasalita sa akin. At nakita ko ang pitong ilawang ginto. 13 Sa gitna ng mga ilawan ay may nakatayong parang Anak ng Tao. Mahaba ang damit niya na umaabot sa kanyang paa, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang buhok niya ay napakaputi tulad ng telang puting-puti, at ang mga mata niya ay nagbabagang parang apoy. 15 Ang mga paa niya ay kumikinang na parang tansong dinalisay sa apoy at pinakintab. Ang tinig niya ay napakalakas na parang rumaragasang tubig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay niya, at lumalabas sa bibig niya ang isang matalas na espada na dalawa ang talim. Ang mukha niya ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang tapat.

17 Nang makita ko siya, napahandusay ako na parang patay sa kanyang paanan. Ipinatong niya agad ang kanang kamay niya sa akin at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang katapusan. 18 Akoʼy buhay magpakailanman. Namatay ako, pero masdan mo, buhay ako, at hindi na muling mamamatay. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang lugar ng mga patay.[a]

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®