Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Gawa 10:44-48

Dumating ang Banal na Espiritu sa mga Hindi Judio

44 Habang nagsasalita pa si Pedro, napuspos ng Banal na Espiritu ang lahat ng nakikinig. 45 Ang mga mananampalatayang Judio na sumama kay Pedro mula sa Jopa ay namangha dahil ipinagkaloob din ng Dios ang Banal na Espiritu sa mga hindi Judio. 46 Dahil narinig nilang nagsasalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan at nagpupuri sila sa Dios. Kaya sinabi ni Pedro, 47 “Natanggap na nila ang Banal na Espiritu tulad natin kahit hindi sila mga Judio. Kaya wala nang makakapigil sa kanila para bautismuhan sila sa tubig.” 48 At iniutos ni Pedro na bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos noon, pinakiusapan nila si Pedro na manatili muna sa kanila ng ilang araw.

Salmo 98

Purihin ang Dios na Hukom

98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
    dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
    Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
    Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
    Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
    Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
    pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
    dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

1 Juan 5:1-6

Ang Pag-ibig, Pananampalataya, at Tagumpay

Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Cristo ay anak ng Dios. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa kanyang anak. Sa ganitong paraan natin malalaman na iniibig natin ang mga anak ng Dios: Kung minamahal natin ang Dios at sinusunod natin ang kanyang mga utos. Dahil ang tunay na umiibig sa Dios ay sumusunod sa kanyang utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. Sapagkat ang bawat anak ng Dios ay nagtatagumpay laban sa mundo. Napagtatagumpayan niya ito sa pamamagitan ng pananampalataya. At sino ba ang nagtatagumpay laban sa mundo? Ang sumasampalataya na si Jesus ay Anak ng Dios. Si Jesus na naparito sa mundo ay napatunayang Anak ng Dios sa pamamagitan ng tubig nang magpabautismo siya at sa pamamagitan ng dugo nang mamatay siya. Hindi lang sa tubig kundi sa pamamagitan din ng dugo. At ang mga bagay na itoʼy pinatotohanan din sa atin ng Banal na Espiritu, dahil ang Espiritu ay katotohanan.

Juan 15:9-17

Mahal ko kayo gaya ng pagmamahal sa akin ng Ama. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili ang pag-ibig ko sa inyo. Katulad ko, sinusunod ko ang utos ng aking Ama, kaya nananatili ang kanyang pag-ibig sa akin.

11 “Sinabi ko sa inyo ang bagay na ito para magalak kayo katulad ko at malubos din ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos sa inyo: magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Mga kaibigan ko kayo kung sinusunod nʼyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na alipin, dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip, itinuturing ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®