Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 22:25-31

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
    Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
    At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
    at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.

Amos 8:11-13

11 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12 Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta. 13 Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit na ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw.

Gawa 8:9-25

May tao rin doon na ang pangalan ay Simon. Matagal na niyang pinahahanga ang mga taga-Samaria sa kanyang kahusayan sa salamangka. Nagmamayabang siya na akala mo kung sino siyang dakila. 10 Ang lahat ng tao sa lungsod, mahirap man o mayaman ay nakikinig nang mabuti sa kanya. Sinabi nila, “Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na ‘Dakilang Kapangyarihan.’ ” 11 Matagal na niyang pinahahanga ang mga tao sa kanyang kahusayan sa salamangka, kaya patuloy silang naniniwala sa kanya. 12 Pero nang mangaral si Felipe sa kanila ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki at babae. 13 Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan na siya, sumama siya kay Felipe. Talagang napahanga siya sa mga himala at kamangha-manghang bagay na ginawa ni Felipe.

14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na ang mga taga-Samaria ay sumampalataya rin sa salita ng Dios, ipinadala nila roon sina Pedro at Juan. 15 Pagdating nila sa Samaria, ipinanalangin nila ang mga mananampalataya roon na sanaʼy matanggap nila ang Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kahit nabautismuhan na sila sa pangalan ng Panginoong Jesus, hindi pa nila natatanggap ang Banal na Espiritu. 17 Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila, at natanggap nila ang Banal na Espiritu. 18 Nakita ni Simon na sa pagpatong ng kamay ng mga apostol sa mga mananampalataya ay natanggap nila ang Banal na Espiritu. Kaya inalok niya ng pera sina Pedro at Juan at sinabi 19 “Bigyan ninyo ako ng ganyang kapangyarihan, para ang sinumang patungan ko ng kamay ay makatanggap din ng Banal na Espiritu.” 20 Pero sumagot si Pedro sa kanya, “Mawala ka sana at ang iyong pera! Sapagkat inaakala mong mabibili ng pera ang kaloob ng Dios. 21 Wala kang bahagi sa gawain namin, dahil marumi ang puso mo sa paningin ng Dios. 22 Kaya pagsisihan mo ang masama mong balak at manalangin ka sa Panginoon na patawarin ka sa iyong maruming pag-iisip. 23 Sapagkat nakikita kong inggit na inggit ka at alipin ng kasalanan.” 24 Sinabi ni Simon, “Kung maaari, manalangin din kayo sa Panginoon para sa akin upang hindi mangyari sa akin ang parusa na sinasabi ninyo.”

25 Pagkatapos magpatotoo nina Pedro at Juan at mangaral ng mensahe ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. At nangaral din sila ng Magandang Balita sa mga baryo na dinaanan nila sa lalawigan ng Samaria.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®