Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Gawa 4:5-12

Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga namamahalang pari, mga pinuno ng mga Judio at mga tagapagturo ng Kautusan. Naroon din si Anas na punong pari, si Caifas, si Juan, si Alexander, at ang iba pang mga miyembro ng pamilya ni Anas. Iniharap sa kanila sina Pedro at Juan at tinanong, “Sa anong kapangyarihan at kaninong awtoridad[a] ang inyong ginamit sa pagpapagaling sa taong lumpo?”

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay sumagot, “Kayong mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio, kung ang itinatanong ninyo sa amin ay tungkol sa paggaling ng taong lumpo, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng lahat ng taga-Israel, na ang taong ito na nakatayo rito ngayon ay pinagaling ng kapangyarihan[b] ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret. Siya ang inyong ipinako sa krus at pinatay, ngunit binuhay siyang muli ng Dios. 11 Si Jesus ang tinutukoy na bato sa talatang ito ng Kasulatan: ‘Ang bato na itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong pundasyon.’ 12 Walang sinuman sa mundong ito ang makapagliligtas sa atin kundi si Jesus lang.”

Salmo 23

Ang Panginoon ay Tulad ng Isang Pastol

23 Ang Panginoon ang aking pastol,
    hindi ako magkukulang ng anuman.
Tulad ng tupa, pinagpapahinga niya ako sa masaganang damuhan,
    patungo sa tahimik na batisan akoʼy kanyang inaakay.
Panibagong kalakasan akoʼy kanyang binibigyan.
    Pinapatnubayan niya ako sa tamang daan,
    upang siyaʼy aking maparangalan.

Kahit dumaan ako sa pinakamadilim na libis, hindi ako matatakot
    dahil kayo ay aking kasama.
    Ang dala nʼyong pamalo[a] ang sa akin ay nag-iingat;
    ang inyo namang tungkod ang gumagabay at nagpapagaan sa aking kalooban.
Ipinaghanda nʼyo ako ng piging sa harap ng aking mga kaaway.
    Pinahiran nʼyo ng langis ang aking ulo, tanda ng inyong pagtanggap at parangal sa akin.
    At hindi nauubusan ng laman ang aking inuman.
Tiyak na ang pag-ibig at kabutihan nʼyo ay mapapasaakin habang akoʼy nabubuhay.
    At titira[b] ako sa bahay nʼyo,[c] Panginoon, magpakailanman.

1 Juan 3:16-24

16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17 Kung mayroon man sa atin ang nasa mabuting pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios? 18 Mga anak, huwag tayong magmahalan sa salita lang, kundi ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahalan. 19 Sa ganitong paraan, mapapatunayan natin na tayo nga ay nasa katotohanan at magiging panatag ang ating kalooban sa kanyang harapan 20 kahit inuusig man tayo ng ating konsensya. Sapagkat ang Dios ay mas higit kaysa sa ating konsensya at nalalaman niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating konsensya, panatag tayong makakalapit sa Dios. 22 At matatanggap natin ang anumang hinihiling natin sa kanya, dahil sumusunod tayo sa kanyang mga utos at ginagawa ang naaayon sa kanyang kalooban. 23 At ito ang kanyang utos: Dapat tayong sumampalataya sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan gaya ng iniutos niya sa atin. 24 Ang mga sumusunod sa utos niya ay nananatili sa kanya, at siyaʼy nananatili rin sa kanila. At malalaman natin na nananatili ang Dios sa atin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Juan 10:11-18

11 “Ako ang mabuting pastol, at ang isang mabuting pastol ay handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa. 12 Hindi siya katulad ng bayarang pastol ng mga tupa, sapagkat ang ganitong tagapagbantay ay tumatakas at iniiwan ang mga tupa kapag nakakita ng asong lobo na paparating. Kaya sinasalakay ng lobo ang mga tupa at nagkakawatak-watak sila. 13 Tumatakas siya dahil bayaran lang siya at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako ang mabuting pastol. Kung paano ako nakikilala ng aking Ama at kung paano ko siya nakikilala, ganyan din ang pagkakakilala ko sa aking mga tupa at ang pagkakakilala nila sa akin. At iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila. 16 May iba pa akong mga tupa na wala sa kawan na ito ng mga Judio. Kinakailangan ko rin silang tipunin. Pakikinggan din nila ang mga salita ko, at ang lahat ng nakikinig sa akin ay magiging isang kawan na lang na may iisang pastol.

17 “Mahal ako ng Ama, dahil iniaalay ko ang aking buhay para sa kanila, at pagkatapos ay muli akong mabubuhay. 18 Walang makakakuha ng aking buhay, kundi kusa ko itong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan din akong bawiin ito. Sinabi ito ng aking Ama sa akin.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®