Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
15 Pagkatapos, babalik ako sa aking lugar hanggang sa aminin nila ang kanilang mga kasalanan. At sa kanilang paghihirap ay lalapit sila sa akin.”
Hindi Tapat ang Pagsisisi ng Israel
6 Nag-usap-usap ang mga taga-Israel. Sabi nila, “Halikayo! Magbalik-loob tayo sa Panginoon. Sinaktan niya tayo, kaya siya rin ang magpapagaling sa atin. 2 Para tayong mga patay na agad niyang bubuhayin. Hindi magtatagal,[a] at ibabangon niya tayo para mamuhay sa kanyang presensya. 3 Pagsikapan nating makilala ang Panginoon. Siyaʼy tiyak na darating, kasintiyak ng pagsikat ng araw. Darating siya na parang ulan na didilig sa mga lupain.”
4 Pero sinabi ng Panginoon, “O Israel[b] at Juda, ano ang gagawin ko sa inyo? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay parang ambon o hamog sa umaga na madaling mawala. 5 Kaya nga binalaan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta na kayoʼy mapapahamak at mamamatay. Hahatulan ko kayo na kasimbilis ng kidlat. 6 Sapagkat hindi ang inyong mga handog ang nais ko, kundi ang inyong pagmamahal.[c] Mas nanaisin ko pang kilalanin ninyo ako kaysa sa mag-alay kayo ng mga handog na sinusunog.
1 Mula sa namumuno sa iglesya.
Mahal kong Ginang na pinili ng Dios, kasama ng iyong mga anak. Minamahal ko kayong tunay,[a] at hindi lang ako kundi ang lahat ng nakakakilala sa katotohanan. 2 Minamahal namin kayo dahil sa katotohanang nasa atin at mananatili sa atin magpakailanman.
3 Manatili sana sa atin ang biyaya, awa, at kapayapaang galing sa Dios Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo na kanyang Anak, habang namumuhay tayo sa katotohanan at pag-ibig.
Ang Katotohanan at Ang Pag-ibig
4 Labis ang kagalakan ko nang malaman ko na ang ilan sa mga anak mo ay sumusunod sa katotohanan, ayon sa iniutos sa atin ng Dios Ama. 5 Kaya Ginang, hinihiling ko sa iyo ngayon na magmahalan tayong lahat. Hindi ito isang panibagong utos kundi ito rin ang utos na ibinigay sa atin noong una tayong sumampalataya. 6 Makikita ang pag-ibig sa atin kung namumuhay tayo ayon sa mga utos ng Dios. At ang utos niya na narinig ninyo mula nang sumampalataya kayo ay ito: mamuhay tayo nang may pag-ibig.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®