Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 4

Panalangin sa Gabi

O Dios na aking Tagapagtanggol, sagutin nʼyo po ako kapag akoʼy tumatawag sa inyo.
    Hindi ba noon tinulungan nʼyo ako nang akoʼy nasa kagipitan?
    Kaya ngayon, maawa kayo sa akin at pakinggan ang dalangin ko.

Kayong mga kumakalaban sa akin,
    kailan kayo titigil sa inyong paninirang puri sa akin?
    Hanggang kailan ninyo iibigin ang mga bagay na walang kabuluhan at magpapatuloy sa kasinungalingan?[a]
Dapat ninyong malaman na ibinukod ng Panginoon ang mga banal para sa kanyang sarili.
    Kaya kung tatawag ako sa Panginoon, pakikinggan niya ako.
Kapag kayoʼy nagagalit, huwag kayong magkakasala.
    Habang nakahiga kayo sa inyong higaan, tumahimik kayo at magbulay-bulay.
Magtiwala kayo sa Panginoon at mag-alay sa kanya ng tamang mga handog.

Marami ang nagsasabi,
    “Sino ang magpapala sa amin?”
    Panginoon, kaawaan nʼyo po kami!
Pinaliligaya nʼyo ako,
    higit pa kaysa sa mga taong sagana sa pagkain at inumin.
Kaya nakakatulog ako ng mapayapa,
    dahil binabantayan nʼyo ako, O Panginoon.

Daniel 10:2-19

Ganito ang nangyari ayon kay Daniel:

Nang panahong iyon, tatlong linggo akong nagdalamhati. Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni tumikim ng karne o uminom ng alak, at hindi rin ako nagpabango ng katawan sa loob ng tatlong linggo.

Nang ika-24 na araw ng unang buwan, nakatayo ako sa tabi ng malawak na Ilog ng Tigris. May nakita ako doon na parang tao na nakadamit ng telang linen at may tali sa baywang na puro ginto. Ang katawan niya ay kumikinang na parang mamahaling bato. Ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat, at ang kanyang mga mata ay nagliliyab na parang sulo. Ang kanyang mga kamay at mga paa ay kumikinang na parang makinis na tanso, at ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao.

Ako lang talaga ang nakakita ng pangitaing iyon. Hindi iyon nakita ng aking mga kasama, pero nagsipagtago sila dahil sa takot. Kaya naiwan akong nag-iisa at ako lang ang nakakita ng kamangha-manghang pangitaing iyon. Namutla ako at nawalan ng lakas. Narinig kong nagsasalita ang taong iyon. At habang nagsasalita siya, nawalan ako ng malay at nasubsob sa lupa. 10 Hinawakan at tinulungan niya ako habang nanginginig pa ang aking mga kamay at mga tuhod. 11 Sinabi niya, “Daniel, mahal ka ng Dios. Tumayo ka at makinig nang mabuti sa sasabihin ko sa iyo, dahil isinugo ako ng Dios dito sa iyo.” Pagkasabi niya noon, nanginginig akong tumayo. 12 Sinabi niya sa akin, “Daniel, huwag kang matakot. Sapagkat sa unang araw pa lamang ng iyong pagpapakumbaba sa Dios at sa hangad mong maunawaan ang pangitain, sinagot na ang iyong dalangin. Kaya pumarito ako para dalhin ang kasagutan sa iyong dalangin. 13 Pero hindi ako nakarating agad dito dahil sa loob ng 21 araw ay hinadlangan ako ng pinuno[a] ng kaharian ng Persia. Mabuti na lang at tinulungan ako ni Micael na pinuno ng mga anghel dahil ako lang ang nakikipaglaban sa pinuno ng Persia. 14 Narito ako ngayon para ipaliwanag sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayang Israelita sa hinaharap, dahil ang iyong pangitain ay tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap.”

15 Habang nagsasalita siya sa akin, napayuko na lang ako at hindi nakapagsalita. 16 Hinipo ako sa bibig nitong parang tao, at nakapagsalita akong muli. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa aking harapan, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing nakita ko. 17 Paano ako makikipag-usap sa inyo gayong wala na akong lakas at halos hindi na ako makahinga?”

18 Kaya muli niya akong hinipo at bumalik ang aking lakas. 19 Sinabi niya sa akin, “Ikaw na mahal ng Dios, huwag kang matakot o mag-alala. Magpakalakas at magpakatatag ka.” Nang masabi niya ito sa akin, muli akong lumakas. Sinabi ko sa kanya, “Ituloy nʼyo po ang pagsasalita, dahil pinalakas nʼyo na ako.”

1 Juan 2:26-28

26 Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo. 27 Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu[a] na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.

28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kanyang pagbabalik, at hindi tayo mapahiya pagdating ng araw na iyon.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®