Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagsasamahang may Pagkakaisa
133 Napakagandang tingnan ang mga mamamayan ng Dios na namumuhay nang may pagkakaisa.
2 Itoʼy parang mamahaling langis na ibinuhos sa ulo ni Aaron na dumaloy sa kanyang balbas at kwelyo ng damit.
3 Katulad din ito ng hamog sa Bundok ng Hermon na umaabot sa Bundok ng Zion.
At dito sa Zion ay nangako ang Panginoon na magbibigay nang pagpapala, at itoʼy ang buhay na walang hanggan.
Ang Panaginip ni Nebucadnezar
2 Noong pangalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip na bumabagabag sa kanya, kaya hindi siya makatulog. 2 Ipinatawag niya ang kanyang mga salamangkero, engkantador, mangkukulam, at mga astrologo[a] para ipaliwanag nila ang kanyang mga panaginip. 3 Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at binabagabag ako nito, kaya ipinatawag ko kayo dahil gusto kong malaman kung ano ang kahulugan ng panaginip na iyon.”
4 Sumagot ang mga astrologo sa hari sa wikang Aramico,[b] “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin na inyong mga lingkod ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”
5 Sinabi ng hari sa kanila, “Ito ang aking napagpasyahan: Kung hindi ninyo mahulaan ang aking panaginip at ang kahulugan nito, pagpuputol-putulin ko ang katawan ninyo at ipapawasak ang inyong mga bahay. 6 Kung mahuhulaan ninyo ang aking panaginip at maipaliwanag ang kahulugan nito, gagantimpalaan ko kayo at bibigyan pa ng malaking karangalan. Sige, hulaan na ninyo at ipaliwanag ang kahulugan nito.”
7 Muli silang sumagot sa hari, “Mahal na Hari, sabihin nʼyo po sa amin ang inyong panaginip at ipapaliwanag namin sa inyo ang kahulugan nito.”
8 Sinabi ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil alam ninyong gagawin ko ang sinabi ko sa inyo, 9 na kung hindi ninyo mahulaan at maipaliwanag ang aking panaginip, paparusahan ko kayo katulad ng sinabi ko. Nagkasundo kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Hulaan na ninyo kung ano ang aking panaginip para maniwala ako na marunong talaga kayong magpaliwanag ng kahulugan nito.”
10 Sumagot sila sa hari, “Walang tao sa buong mundo ang makagagawa ng iniuutos ninyo. At wala ring hari, gaano man ang kanyang kapangyarihan, na mag-uutos ng ganyan sa kanyang mga engkantador, mangkukulam, o mga astrologo. 11 Napakahirap ng inyong hinihingi, Mahal na Hari. Ang mga dios lang ang makakagawa niyan, pero hindi sila naninirahan kasama ng mga tao.”
12 Dahil sa sagot nilang ito, galit na galit ang hari. At nag-utos siyang patayin ang lahat ng marurunong[c] na mga tao sa Babilonia. 13 Nang inilabas na ang utos ng hari na patayin ang mga marurunong, hinanap si Daniel at ang kanyang mga kasama para patayin din.
14-15 Kaya nakipag-usap si Daniel kay Arioc na kapitan ng mga tagapagbantay ng hari na siyang inutusan na patayin ang mga marurunong sa Babilonia. Maingat na nagtanong si Daniel sa kanya kung ano ang dahilan ng napakabigat na utos ng hari. Kaya sinabi sa kanya ni Arioc ang nangyari.
16 Pagkatapos, pumunta si Daniel sa hari at hiniling niya na bigyan siya ng panahong maipaliwanag ang kahulugan ng panaginip nito. 17 Pumayag naman ang hari, kaya umuwi si Daniel at ibinalita sa kanyang mga kasamahang sina Hanania, Mishael at Azaria ang tungkol sa nangyari. 18 Hiniling niya sa mga ito na manalangin para kaawaan sila ng Dios sa langit[d] at para malaman nila ang kahulugan ng panaginip ng hari, upang hindi sila patayin kasama ng iba pang marurunong na tao sa Babilonia. 19 Nang gabing iyon, ipinahayag ng Dios kay Daniel ang panaginip ng hari at ang kahulugan nito sa pamamagitan ng pangitain. At pinuri ni Daniel ang Dios sa langit. 20 Sinabi niya,
“Purihin ang Dios magpakailanman.
Siya ay matalino at makapangyarihan.
21 Siya ang nagbabago ng panahon.
Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono.
Siya ang nagbibigay ng karunungan sa marurunong.
22 Ipinapaliwanag niya ang mahihiwagang bagay na mahirap intindihin.
Nasa kanya ang liwanag, at nalalaman niya ang anumang nasa kadiliman.
23 O Dios ng aking mga ninuno, pinupuri ko kayo at pinapasalamatan.
Kayo ang nagbigay sa akin ng karunungan at kakayahan.
At ibinigay nʼyo sa amin ang aming kahilingan sa inyo na ipahayag sa amin ang panaginip ng hari.”
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang pinakawalan na sina Pedro at Juan, bumalik sila sa kanilang mga kasamahan, at ibinalita nila kung ano ang sinabi ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 24 Nang marinig iyon ng mga mananampalataya, nanalangin sila sa Dios. Sinabi nila, “Panginoon na makapangyarihan sa lahat, kayo po ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at lahat ng nasa mga ito. 25 Nagsalita kayo sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod. Sinabi niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Bakit matindi ang galit ng mga bansa?
Bakit sila nagpaplano ng wala namang patutunguhan?
26 Ang mga hari at mga pinuno sa mundo ay nagsama-sama,
at nagsipaghanda sa pakikipaglaban sa Panginoon,
at sa kanyang Cristo.’[a]
27 Natupad na ngayon ang sinabi ninyo noon, dahil dito mismo sa Jerusalem, ang mga Judio at hindi Judio, pati si Haring Herodes at si Gobernador Pilato, ay nagkaisang kalabanin ang inyong banal na lingkod na si Jesus na inyong pinili na maging Hari. 28 Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At itoʼy nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. 29 At ngayon, Panginoon, pinagbabantaan nila kami. Tulungan nʼyo kami na inyong mga lingkod na maging matapang sa pangangaral ng inyong salita. 30 Ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan. Loobin nʼyo na sa pamamagitan ng kapangyarihan[b] ni Jesus na inyong banal na lingkod ay mapagaling namin ang mga may sakit at makagawa kami ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay.”
31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang bahay na kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at buong tapang na nangaral ng salita ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®