Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
9 Paano mapapanatili ng isang kabataan na maging malinis ang kanyang buhay?
Mamuhay siya ayon sa inyong mga salita.
10 Buong puso akong lumalapit sa inyo;
kaya tulungan nʼyo akong huwag lumihis sa inyong mga utos.
11 Ang salita nʼyo ay iningatan ko sa aking puso upang hindi ako magkasala sa inyo.
12 Purihin kayo Panginoon!
Ituro nʼyo sa akin ang inyong mga tuntunin.
13 Paulit-ulit kong sinasabi ang mga kautusang ibinigay ninyo.
14 Nagagalak akong sumunod sa inyong mga katuruan,
higit pa sa kagalakang dulot ng mga kayamanan.
15 Ang inyong mga tuntunin ay aking pinagbubulay-bulayan
at iniisip kong mabuti ang inyong pamamaraan.
16 Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,
at ang inyong mga salitaʼy hindi ko lilimutin.
Ang Panginoon Lamang ang Dios
44 “Pero ngayon, makinig ka, O Israel na aking lingkod, ang mga mamamayan na aking pinili, na mga lahi ni Jacob. 2 Ako, ang Panginoon, na lumikha at tumutulong sa iyo. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod at pinili ko. 3 Sapagkat binigyan kita ng tubig na pamatid uhaw at babasa sa iyong lupang tigang. Ibibigay ko ang aking Espiritu sa iyong lahi at pagpapalain ko sila. 4 Lalago sila na parang halaman na nasa tabi ng masaganang tubig o mga puno sa tabi ng ilog. 5 May mga magsasabi, ‘Ako ay sa Panginoon.’ At mayroon ding magsasabi, ‘Akoʼy lahi ni Jacob.’ Mayroon ding mga maglalagay ng tatak sa kanilang kamay ng pangalan ng Panginoon, at ituturing ang sarili na kabilang sa mga mamamayan ng Israel.
Walang Kabuluhan ang mga Dios-diosan
6 “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Panginoong Makapangyarihan: Ako ang simula at wakas ng lahat. Maliban sa akin ay wala nang iba pang Dios. 7 Sino ang kagaya ko? Sabihin niya sa harap ko kung ano ang mga nangyari mula nang itayo ko na maging isang bansa ang aking mga mamamayan noong unang panahon. At sabihin din niya kung ano ang mangyayari sa hinaharap. 8 Huwag kayong matakot o kabahan man. Hindi baʼt ipinaalam ko na sa inyo noong una pa ang layunin ko sa inyo? Kayo ang mga saksi ko. Mayroon pa bang ibang Dios maliban sa akin? Wala! Wala na akong alam na may iba pang Bato na kanlungan maliban sa akin.”
Nangaral si Pedro
14 Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. 15 Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. 16 Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon:
17 ‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao.
Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita;
ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain;
at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
18 Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita.
19 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
21 Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”[a]
22 Nagpatuloy si Pedro sa pagsasalita, “Mga kababayan kong Israelita, makinig kayo sa akin! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Dios sa inyo, at pinatotohanan ito ng Dios sa pamamagitan ng mga himala at kamangha-manghang ginawa niya sa pamamagitan ni Jesus. Alam nʼyo mismo ang mga ito dahil ang lahat ng itoʼy nangyari rito sa inyo. 23 Alam na noon pa ng Dios na itong si Jesus ay ibibigay sa inyo at ganito na talaga ang kanyang plano. Ipinapatay ninyo siya sa mga makasalanang tao na nagpako sa kanya sa krus. 24 Ngunit binuhay siya ng Dios at iniligtas mula sa kapangyarihan ng kamatayan, dahil ang totoo, kahit ang kamatayan ay walang kapangyarihang pigilan siya.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®