Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 84

84 Kay iinam ng iyong mga tabernakulo, Oh Panginoon ng mga hukbo!

Ang kaluluwa ko'y aasamasam, oo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon; ang puso ko't laman ay dumadaing sa buhay na Dios.

Oo, ang maya ay nakasumpong ng bahay, at ang langaylangayan ay nagpugad para sa kaniya, na mapaglalapagan niya ng kaniyang inakay, sa makatuwid baga'y iyong mga dambana, Oh Panginoon ng mga hukbo, Hari ko, at Dios ko.

Mapalad silang nagsisitahan sa iyong bahay: kanilang pupurihin kang palagi. (Selah)

Mapalad ang tao na ang kalakasan ay nasa iyo; na may mga daan sa kaniyang puso na tungo sa Sion.

Na nagdaraan sa libis ng iyak na ginagawa nilang dako ng mga bukal; Oo, tinatakpan ng pagpapala ng maagang ulan.

Sila'y nagsisiyaon sa kalakasa't kalakasan, bawa't isa sa kanila ay napakikita sa harap ng Dios sa Sion.

Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, dinggin mo ang aking dalangin: pakinggan mo, Oh Dios ni Jacob. (Selah)

Masdan mo, Oh Dios na aming kalasag, at tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis.

10 Sapagka't isang araw sa iyong mga looban ay mabuti kay sa isang libo. Aking minagaling na maging tagatanod-pinto sa bahay ng aking Dios, kay sa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.

11 Sapagka't ang Panginoong Dios ay araw at kalasag: ang Panginoo'y magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian: hindi siya magkakait ng anomang mabuting bagay sa nagsisilakad ng matuwid.

12 Oh Panginoon ng mga hukbo, mapalad ang tao na tumitiwala sa iyo.

Ezra 6:1-16

Nang magkagayo'y si Dario, na hari ay gumawa ng pasiya, at ang pagsaliksik ay isinagawa sa bahay ng mga aklat, na kinalalagyan ng mga kayamanan sa Babilonia.

At nasumpungan sa Achmetta, sa bahay-hari na nasa lalawigan ng Media, ang isang ikid, at doo'y nasusulat ang ganito na pinakaalaala.

Nang unang taon ni Ciro na hari, si Ciro na hari ay gumawa ng pasiya: Tungkol sa bahay ng Dios sa Jerusalem, ipahintulot na matayo ang bahay, ang dako na kanilang pinaghahandugan ng mga hain, at ipahintulot na malagay na matibay ang mga tatagang-baon; ang taas niyao'y anim na pung siko, at ang luwang niyao'y anim na pung siko,

Na may tatlong hanay na mga malaking bato, at isang hanay ng bagong kahoy: at ang magugugol ay ibigay na mula sa bahay ng hari:

At ang ginto at pilak na mga sisidlan din naman ng bahay ng Dios na inilabas ni Nabucodonosor sa templo na nasa Jerusalem, at nangadala sa Babilonia, masauli, at ipasok uli sa templo na nasa Jerusalem, bawa't isa'y sa kanikaniyang dako, at iyong ipaglalagay sa bahay ng Dios.

Ngayon nga, Tatnai, na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, Setharboznai, at ang inyong mga kasama na mga Apharsachita, na nasa dako roon ng Ilog, magsilayo kayo mula riyan:

Pabayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Dios; ipahintulot ninyo na itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng mga matanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Dios sa kaniyang dako.

Bukod dito'y gumagawa ako ng pasiya kung ano ang inyong gagawin sa mga matandang ito ng mga Judio sa pagtatayo ng bahay na ito ng Dios: na sa mga pag-aari ng hari, sa makatuwid baga'y sa buwis sa dako roon ng Ilog, ang mga magugugol ay ibigay ng buong sikap sa mga taong ito upang huwag mangagluwat.

At ang kanilang kakailanganin, mga guyang toro, at gayon din ang mga tupa, at mga kordero, na ukol sa mga handog na susunugin para sa Dios ng langit; trigo, asin, alak, at langis, ayon sa salita ng mga saserdote na nangasa Jerusalem, ibigay sa kanila araw-araw na walang pagsala.

10 Upang sila'y makapaghandog ng mga hain na pinaka masarap na amoy sa Dios ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kaniyang mga anak.

11 Ako nama'y gumawa ng pasiya, na sinomang bumago ng salitang ito, hugutan ng isang sikang ang kaniyang bahay at itaas siya, at mabitin doon; at ang kaniyang bahay ay maging tipunan ng dumi dahil dito:

12 At lipulin ng Dios na nagpatahan ng kaniyang pangalan doon ang lahat ng mga hari at mga bayan, na maguunat ng kanilang kamay na baguhin, upang gibain ang bahay na ito ng Dios na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng pasiya: isagawa ng buong sikap.

13 Nang magkagayo'y si Tatnai na tagapamahala sa dako roon ng Ilog, si Sethar-boznai, at ang kanilang mga kasama, dahil sa iniutos ni Dario na hari, ay gumawa ng buong sikap.

14 At ang mga matanda ng mga Judio ay nangagtayo at nangapasulong, ayon sa hula ni Haggeo na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. At kanilang itinayo at niyari, ayon sa utos ng Dios ng Israel, at ayon sa pasiya ni Ciro at ni Dario, at ni Artajerjes na hari sa Persia.

15 At ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Dario na hari.

16 At ang mga anak ni Israel, ang mga saserdote, at ang mga Levita, at ang mga nalabi sa mga anak sa pagkabihag, ay nangagdiwang ng pagtatalaga ng bahay na ito ng Dios na may kagalakan.

Marcos 11:15-19

15 At nagsidating sila sa Jerusalem: at pumasok siya sa templo, at nagpasimulang kaniyang itinaboy ang nangagbibili at nagsisibili sa loob ng templo, at ginulo ang mga dulang ng nangagpapalit ng salapi, at ang mga upuan ng nangagbibili ng mga kalapati;

16 At hindi niya ipinahintulot na sinoman ay magdala ng anomang sisidlan sa templo.

17 At siya'y nagturo, at sinabi sa kanila, Hindi baga nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan ng lahat ng mga bansa? datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.

18 At yao'y narinig ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba, at pinagsisikapan kung paanong siya'y kanilang maipapapuksa: sapagka't nangatatakot sila sa kaniya, dahil sa buong karamihan ay nanggigilalas sa kaniyang aral.

19 At gabi-gabi'y lumalabas siya sa bayan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain