Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi.
13 Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating.
14 Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok.
15 Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian;
16 Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian;
17 Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin.
18 Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon.
19 Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit;
20 Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin;
21 Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem;
22 Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon.
23 Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko.
24 Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi.
25 Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay.
26 Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan:
27 Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas.
28 Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.
6 Nang magkagayo'y sumagot si Job at nagsabi,
2 Oh timbangin nawa ang aking pagkainip, at ang aking mga kasakunaan ay malagay sa mga timbangan na magkakasama.
3 Sapagka't ngayo'y magiging lalong mabigat kay sa buhangin sa mga dagat: kaya't ang aking pananalita ay napabigla.
4 Sapagka't ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasasaksak sa akin, ang lason niyaon ay hinitit ng aking diwa; ang mga pangkilabot ng Dios ay nangahahanay laban sa akin.
5 Umuungal ba ang mailap na asno pag may damo? O umuungal ba ang baka sa kaniyang pagkain?
6 Makakain ba ng walang asin ang matabang? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog?
7 Tinatanggihang hipuin ng aking kaluluwa; mga karumaldumal na pagkain sa akin.
8 Oh mangyari nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa sa akin ng Dios ang bagay na aking minimithi!
9 Sa makatuwid baga'y kalugdan nawa ng Dios na pisain ako; na bitawan ang kaniyang kamay, at ihiwalay ako!
10 Kung magkagayo'y magtataglay pa ako ng kaaliwan; Oo, ako'y makapagbabata sa mga walang awang sakit; sapagka't hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal.
11 Ano ang aking lakas, na ako'y maghihintay? At ano ang aking wakas na ako'y magtitiis?
12 Ang akin bang tibay ay tibay ng mga bato? O ang akin bang laman ay tanso?
13 Di ba ako'y walang sukat na kaya, at ang karunungan ay lumayo sa akin?
7 At si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat: at nagsisunod sa kaniya ang lubhang karamihang taong mula sa Galilea; at mula sa Judea,
8 At mula sa Jerusalem, at mula sa Idumea, at mula sa dakong ibayo ng Jordan, at sa palibotlibot ng Tiro, at Sidon, na lubhang maraming tao, nang mabalitaan ang lubhang mga dakilang bagay na kaniyang ginagawa, ay nagsiparoon sa kaniya.
9 At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na ihanda sa kaniya ang isang maliit na daong dahil sa karamihan, baka siya'y kanilang siksikin:
10 Sapagka't siya'y nakapagpagaling sa marami; ano pa't sinisiksik siya ng lahat ng mga nasasalot upang siya'y mahipo nila.
11 At ang mga karumaldumal na espiritu, pagkakita sa kaniya, ay nangagpatirapa sa kaniyang harapan, at nangagsisisigaw, na nangagsasabi, Ikaw ang Anak ng Dios.
12 At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit na siya'y huwag nilang ihayag.
Public Domain