Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Dalangin para Tulungan
35 Panginoon, kontrahin nʼyo po
ang mga kumukontra sa akin.
Labanan nʼyo ang mga kumakalaban sa akin.
2 Kunin nʼyo ang inyong kalasag,
at akoʼy inyong tulungan.
3 Ihanda nʼyo ang inyong mga sibat,
para sa mga taong humahabol sa akin.
Gusto kong marinig na sabihin nʼyo,
“Ako ang magpapatagumpay sa iyo.”
4 Mapahiya sana ang mga taong naghahangad na akoʼy patayin.
Paatrasin nʼyo at biguin ang mga nagpaplano ng masama sa akin.
5 Maging gaya sana sila ng ipa na tinatangay ng hangin,
habang silaʼy itinataboy ng inyong anghel.
6 Maging madilim sana at madulas ang kanilang dinadaanan,
habang silaʼy hinahabol ng inyong anghel.
7 Naghukay sila at naglagay ng bitag para sa akin,
kahit wala akong ginawang masama sa kanila.
8 Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan.
Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa,
at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
9 At akoʼy magagalak
dahil sa inyong pagliligtas sa akin, Panginoon.
10 Buong puso kong isisigaw,
“Panginoon, wala kayong katulad!
Kayo ang nagliligtas sa mga dukha at api mula sa mga mapagsamantala.”
22 kasama ang kanyang dalawang katulong. Pero habang naglalakbay[a] si Balaam, nagalit ang Panginoon, kaya hinarang siya ng anghel ng Panginoon sa daan. 23 Pagkakita ng asno na nakatayo ang anghel ng Panginoon sa daan na may hawak na espada, lumihis ng daan ang asno at nagpunta sa bukid. Kaya pinalo ito ni Balaam at pinabalik sa daan.
24 Pagkatapos, tumayo ang anghel ng Panginoon sa makitid na daan sa gitna ng dalawang pader ng mga ubasan. 25 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam sa pader kaya pinalo na naman ito ni Balaam.
26 Pagkatapos, lumakad sa unahan ang anghel ng Panginoon at tumayo sa mas makitid na daan na hindi na talaga makakadaan kahit sa magkabilang gilid. 27 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, tumumba na lang ito at nagalit si Balaam, at pinalo na naman niya ito ng kanyang baston. 28 Pagkatapos, pinagsalita ng Panginoon ang asno, at sinabi niya kay Balaam, “Ano ba ang nagawa ko sa iyo para paluin mo ako ng tatlong beses?”
32 Gusto ko sanang maging malaya kayo sa mga alalahanin sa mundong ito. Kung ang isang lalaki ay walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang mga gawain ng Panginoon at kung paano siya magiging kalugod-lugod sa kanya. 33 Ngunit ang lalaking may asawaʼy abala sa mga bagay dito sa mundo, kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa. 34 Dahil dito, hati ang kanyang isipan. Ganoon din naman sa mga babae. Kung ang isang babaeʼy walang asawa, ang pinagkakaabalahan niya ay ang paglilingkod sa Panginoon, at nais niyang ilaan ang kanyang buong buhay sa paglilingkod sa kanya. Ngunit ang babaeng may asawa ay abala sa mga bagay dito sa mundo, kung paano niya mapapaligaya ang kanyang asawa.
35 Sinasabi ko lamang ito para sa inyong kabutihan. Hindi ko kayo pinagbabawalang mag-asawa. Gusto ko lamang hanggaʼt maaari ay maging maayos at walang hadlang ang inyong paglilingkod sa Panginoon.
36 Ngayon, tungkol naman sa mga magkasintahan: Kung sa palagay ng lalaki ay hindi tama ang ikinikilos niya sa kanyang nobya dahil sa pagnanasa, at sa palagay niyaʼy dapat na silang magpakasal, mas mabuti ngang magpakasal na sila. Hindi ito kasalanan. 37 Ngunit kung nagpasya ang lalaki na hindi na lang niya pakakasalan ang kanyang nobya, at hindi na lang siya mag-aasawa dahil kaya naman niyang magpigil sa sarili, mabuti rin ang kanyang ginagawa. 38 Kaya mabuti kung mag-aasawa siya, ngunit mas mabuti kung hindi.
39 Ang babaeʼy nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay pa ito. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, maaari na siyang mag-asawa uli, pero dapat sa isang mananampalataya. 40 Para sa akin, mas maligaya siya kung hindi na lang siya mag-asawang muli. Opinyon ko lang naman ito, ngunit sa tingin koʼy ito rin ang itinuturo ng Espiritu ng Dios na nasa akin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®