Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
1 Samuel 3:1-10

Ang Pagtawag ng Dios kay Samuel

Noong mga panahong naglilingkod si Samuel sa Panginoon sa ilalim ng pangangalaga ni Eli, madalang nang makipag-usap ang Panginoon, at kakaunti na rin ang mga pangitain. Isang gabi, natutulog si Eli sa kanyang kwarto. Hindi na siya gaanong nakakakita. Si Samuel naman ay doon natutulog sa bahay ng Panginoon kung saan naroon ang Kahon ng Kasunduan. At habang nakasindi pa ang ilawan ng Dios, tinawag ng Panginoon si Samuel. Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” Tumakbo siya kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Hindi kita tinawag. Bumalik ka na at matulog ulit.” Kaya bumalik siya at muling natulog.

Muli siyang tinawag ng Panginoon, “Samuel!” Bumangon si Samuel, pumunta kay Eli at sinabi, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” Sumagot si Eli, “Anak, hindi kita tinawag, bumalik ka na at matulog ulit.” Hindi pa nakikilala noon ni Samuel ang Panginoon dahil hindi pa nakikipag-usap sa kanya ang Panginoon.

Tinawag ng Panginoon si Samuel sa ikatlong pagkakataon. Bumangon siya at pumunta kay Eli, “Ano po iyon? Bakit nʼyo po ako tinawag?” At naunawaan ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya kay Samuel, “Bumalik ka na ulit at matulog, kung tatawagin ka ulit, sabihin mo, ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig ang lingkod ninyo.’ ” Kaya bumalik si Samuel sa higaan at muling natulog.

10 Lumapit kay Samuel ang Panginoon at gaya ng dati, tinawag siya, “Samuel! Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, Panginoon, sapagkat nakikinig ang lingkod ninyo.”

1 Samuel 3:11-20

11 Sinabi ng Panginoon, “Tandaan mo ito, hindi magtatagal at may gagawin ako sa bayan ng Israel. Paghaharian ng matinding takot ang lahat ng makakarinig nito. 12 Pagdating ng takdang panahon, gagawin ko ang mga sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli. 13 Sinabi ko sa kanya na parurusahan ko habang panahon ang sambahayan niya, dahil pinabayaan niya ang mga anak niya sa mga ginagawa nilang paglapastangan sa akin kahit alam na niya ang tungkol dito. 14 Kaya isinumpa ko, na ang kasalanan nilaʼy hindi mapapatawad ng anumang handog kahit kailan.”

15 Natulog si Samuel hanggang umaga, at binuksan niya ang pintuan ng sambahan para sa Panginoon. Natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Ngunit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.” Sumagot si Samuel, “Ano po iyon?” 17 Nagtanong si Eli, “Ano ba ang sinabi ng Panginoon sa iyo? Huwag kang maglilihim sa akin. Parurusahan ka ng Dios ng matindi kung hindi mo sasabihin sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Ipinagtapat nga ni Samuel ang lahat sa kanya. Wala siyang itinago. At sinabi ni Eli, “Siya ang Panginoon. Gagawin niya kung ano sa tingin niya ang mabuti.”

19 Patuloy na pinapatnubayan ng Panginoon si Samuel habang siyaʼy lumalaki. Niloob ng Panginoon na matupad ang lahat ng sinabi ni Samuel. 20 Kaya kinilala si Samuel na propeta ng Panginoon mula Dan hanggang sa Beersheba.[a]

Salmo 139:1-6

Ang Karunungan at Kalinga ng Dios

139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
    Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
    Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
Lagi ko kayong kasama,
    at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
    hindi ko kayang unawain.

Salmo 139:13-18

13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
    Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
    Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
    Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
    itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
    Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.

1 Corinto 6:12-20

Ang Katawan Ninyo ay Templo ng Banal na Espiritu

12 Maaaring may magsabi sa inyo ng ganito, “Pwede kong gawin ang kahit ano.” Totoo iyan, ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakabuti sa inyo. Kaya kahit pwede kong gawin ang kahit ano, hindi naman ako paaalipin dito. 13 Maaari rin namang sabihin ng iba, “Ang pagkain ay ginawa para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit darating ang araw na pareho itong sisirain ng Dios. Ang katawan ay hindi para sa sekswal na imoralidad kundi para sa paglilingkod sa Dios; at ang Dios ang nag-iingat nito. 14 Ang katawan natiʼy muling bubuhayin ng Dios sa huling araw, tulad ng ginawa niya sa ating Panginoon.

15 Hindi baʼt tayong mga mananampalataya ay bahagi ng katawan ni Cristo? Iyan ang dahilan kung bakit hindi talaga natin maaaring gamitin ang ating katawan, na bahagi ng katawan ni Cristo, sa pakikipagtalik sa babaeng bayaran. 16 Hindi baʼt ang nakikipagtalik sa ganoong babae ay nagiging kaisang-katawan niya? Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Silang dalawaʼy magiging isa.”[a] 17 At kung nakikipag-isa tayo sa Panginoong Jesu-Cristo kaisa niya tayo sa espiritu.

18 Kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. Ang ibang kasalanang ginagawa ng tao ay walang kinalaman sa kanyang katawan, ngunit ang gumagawa ng sekswal na imoralidad ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 19 Hindi baʼt ang katawan ninyo ay templo ng Banal na Espiritung nasa inyo at tinanggap ninyo mula sa Dios? Kung ganoon, ang katawan ninyoʼy hindi sa inyo kundi sa Dios, 20 dahil tinubos kayo ng Dios sa napakalaking halaga. Kaya gamitin ninyo ang inyong katawan sa paraang ikapupuri ng Dios.

Juan 1:43-51

Ang Pagtawag ni Jesus kina Felipe at Natanael

43 Kinabukasan, nagpasya si Jesus na pumunta sa Galilea. Pagdating niya roon, nakita niya si Felipe at sinabi niya rito, “Sumunod ka sa akin.” 44 (Si Felipe ay taga-Betsaida, tulad nina Andres at Pedro.) 45 Hinanap ni Felipe si Natanael at sinabi niya rito, “Natagpuan na namin ang taong tinutukoy ni Moises sa Kautusan, at maging sa mga isinulat ng mga propeta. Siya si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose.” 46 Tinanong siya ni Natanael, “May mabuti bang nanggagaling sa Nazaret?” Sumagot si Felipe, “Halika at tingnan mo.”

47 Nang makita ni Jesus na papalapit sa kanya si Natanael, sinabi niya, “Narito ang isang tunay na Israelita na hindi nandaraya.”[a] 48 Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.” 49 Sinabi ni Natanael, “Guro, kayo nga ang Anak ng Dios! Kayo ang hari ng Israel!” 50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumampalataya ka ba sa akin dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa rito ang masasaksihan mo.” 51 Sinabi pa sa kanya ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, makikita ninyo na bubukas ang langit, at makikita rin ninyo ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa akin na Anak ng Tao.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®