Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 100

100 Magkaingay kayo na may kagalakan sa Panginoon, kayong lahat na lupain.

Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.

Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.

Magsipasok kayo sa kaniyang mga pintuang-daan na may pagpapasalamat, at sa kaniyang looban na may pagpupuri: mangagpasalamat kayo sa kaniya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan.

Sapagka't ang Panginoon ay mabuti; ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man; at ang kaniyang pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi.

Genesis 48:15-22

15 At kaniyang binasbasan si Jose, at sinabi, Ang Dios na sa harap niya ay lumakad ang aking mga magulang na si Abraham at si Isaac, ang Dios na nagpakain sa akin sa buong buhay ko hanggang sa araw na ito,

16 Ang anghel na tumubos sa akin sa buong kasamaan, ay siya nawang magpala sa mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na si Abraham at si Isaac; at magsidami nawa silang totoo sa ibabaw ng lupa.

17 At nang makita ni Jose na ipinatong ng kaniyang ama ang kaniyang kanang kamay sa ulo ni Ephraim, ay minasama niya; at itinaas niya ang kamay ng kaniyang ama, upang ilipat sa ulo ni Manases mula sa ulo ni Ephraim.

18 At sinabi ni Jose sa kaniyang ama, Hindi ganyan, ama ko: sapagka't ito ang panganay; ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kaniyang ulo.

19 At tumanggi ang kaniyang ama, at sinabi, Talastas ko, anak ko, talastas ko; siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila: gayon ma'y ang kaniyang kapatid na bata ay magiging lalong dakila kay sa kaniya, at ang kaniyang binhi ay magiging isang makapal na bansa.

20 At kaniyang binasbasan sila ng araw na yaon, na sinasabi Sa iyo magbabasbas ang Israel, na magsasabi, Gawin ka nawa ng Dios na gaya ni Ephraim at gaya ni Manases, at kaniyang ipinagpauna si Ephraim bago si Manases.

21 At sinabi ni Israel kay Jose, Narito, ako'y namamatay: nguni't ang Dios ay sasainyo, at dadalhin kayo uli sa lupain ng inyong mga magulang.

22 Bukod dito'y binigyan kita ng isang bahaging higit kay sa iyong mga kapatid, na aking kinuha ng aking tabak at ng aking busog sa kamay ng Amorrheo.

Pahayag 14:1-11

14 At tumingin ako, at narito, ang Cordero ay nakatayo sa bundok ng Sion, at ang kasama niya'y isang daan at apat na pu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kaniyang Ama, na nasusulat sa kanikaniyang noo.

At narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog: at ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog ng alpa na tumutugtog ng kanilang mga alpa:

At sila'y nangagaawitan na wari'y isang bagong awit sa harapan ng luklukan, at sa harap ng apat na nilalang na buhay at ng matatanda: at sinoman ay hindi maaaring matuto ng awit kundi ang isang daan at apat na pu't apat na libo lamang, sa makatuwid ay siyang mga binili mula sa lupa.

Ang mga ito'y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagka't sila'y mga malilinis. At ang mga ito'y ang nagsisisunod sa Cordero saan man siya pumaroon. Ang mga ito'y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Dios at sa Cordero.

At sa kanikaniyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila'y mga walang dungis.

At nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa't bansa at angkan at wika at bayan;

At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka't dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.

At ang iba, ang pangalawang anghel, ay sumunod na nagsasabi, Naguho, naguho ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat na bansa ng alak ng kagalitan ng kaniyang pakikiapid.

At ang ibang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na nagsasabi ng malakas na tinig, Kung ang sinoman ay sumasamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kaniyang noo, o sa kaniyang kamay,

10 Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero:

11 At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain