Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Awit ng Pagpupuri ni Maria
46 At(A) sinabi ni Maria,
“Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,
47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,
48 sapagkat(B) nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala;
49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Banal ang kanyang pangalan!
50 Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.
51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.
52 Tinanggal(C) sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.
53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.
54 Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod,
at hindi niya kinalimutang kahabagan ito.
55 Tulad(D) ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!”
Ang Hinihingi ni Yahweh
6 Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? 7 Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? 8 Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.
5-6 Dahil(A) diyan, nang si Cristo'y naparito sa daigdig, sinabi niya sa Diyos:
“Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
hindi mo kinalugdan ang mga handog na sinusunog,
at ang mga handog upang pawiin ang kasalanan.
Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging handog.
7 Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos,
upang sundin ang iyong kalooban,’
ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.”
8 Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. 9 Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. 10 At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.