Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig
45 Agad na inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sumakay sa bangka at pinauna sa kabilang ibayo patungong Betsaida. Siya ay nagpaiwan upang pauwiin ang napakaraming tao.
46 Nang makagpaalam si Jesus sa mga tao, siya ay umahon sa bundok upang manalangin.
47 Nang gumabi na, ang bangka na sinasakyan ng mga alagad ay nasa gitna na ng lawa, at si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita niyang nahihirapan sila sa paggaod sapagkat pasalungat ang hangin sa kanila. Nang madaling-araw na, pumunta sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng lawa na tila lalampasan sila. 49 Pagkakita nila sa kaniya na lumalakad sa ibabaw ng lawa ay inakala nilang siya ay multo, kaya napasigaw sila. 50 Ito ay sapagkat nakita siya ng lahat at sila ay lubhang natakot.
Subalit kaagad niyang sinabi sa kanila: Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito, huwag kayong matakot.
51 Sumakay siya sa bangka at humupa ang hangin. Lubos silang nanggilalas at namangha. 52 Ang dahilan nito ay hindi nila maunawaan ang nangyari sa tinapay dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.
Copyright © 1998 by Bibles International