Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Malakas na Bagyo
13 Nang marahang umihip ang hanging timugan, inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang hangarin. Itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta.
14 Ngunit hindi nagtagal, humampas doon ang malakas na hangin na tinatawag na Euroclidon. 15 Nang hinampas ng hangin ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lang kami sa hangin. 16 Kami ay nagkubli sa isang maliit na pulo na tinatawagna Clauda. At nahirapan kami na isampa ang bangkang-pangkagipitan. 17 Nang maisampa na ito, gumamit sila ng mga pantulong. Tinalian nila ang ibaba ng barko. At sa takot na baka masadsad sa look ng Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayon ay nagpaanod sila. 18 Ngunit patuloy kaming hinahampas at ipinapadpad ng lubhang malakas na hangin sa magkabila. Kinabukasan, nagsimula na silang magtapon ng kanilang lulan sa dagat. 19 Nang ikatlong araw, itinapon ng aming mga kamay ang mga kagamitan ng barko. 20 At maraming araw na hindi namin nakita ang araw ni ang mga bituin man. Napakalakas na bagyo ang dumaan sa amin kaya nawalan na kami ng pag-asa na makakaligtas pa.
21 Nang matagal na silang hindi kumain, tumayo nga si Pablo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi niya: Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin at hindi tayo naglayag muli sa Creta. Kung nakinig sana kayo, hindi natin nakamtan ang kapinsalaan at ang kawalang ito. 22 Ngayon, ipinapayo ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo kundi ang barko lamang. 23 Ito ay sapagkat ngayong gabi tumayo sa tabi ko ang isang anghel mula sa Diyos na nagmamay-ari sa akin at siyang aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya: Pablo, huwag kang matakot. Kinakailangang humarap ka kay Cesar. Narito, ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang lahat ng kasama mo sa paglalayag. 25 Kaya nga, mga ginoo lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat sumasampalataya ako sa Diyos at mangyayari ang ayon sa sinalita sa akin. 26 Ngunit kailangang tayo ay mapasadsad sa isang pulo.
Nawasak ang Barko
27 Nang sumapit ang ikalabing-apat na gabi, ipinadpad kami ng hangin paroo’t parito sa Adriatico. Nang maghahating gabi na, inakala ng mga magdaragat na nalalapit na sila sa isang lupain.
28 Tinarok nila at nasumpungang may dalawampung dipa ang lalim. Nang makalayo sila ng kaunti, muli nilang tinarok at nasumpungang may labinlimang dipa ang lalim. 29 Sa takot nilang mapasadsad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan. Hinahangad nila na mag-umaga na sana. 30 Ngunit nagpupumilit ang mga magdaragat na makatakas sa barko. Nagpakunyari sila na ihuhulog nila ang mga angkla sa unahan. 31 Sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga kawal: Maliban na manatili ang mga ito sa barko, kayo ay hindi makakaligtas. 32 Kaya pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangkang-pangkagipitan at pinabayaan itong mahulog.
33 Nang mag-uumaga na, ipinamanhik ni Pablo sa lahat na kumain. Sinabi niya: Ngayon ay ikalabing-apat na araw na kayo ay naghihintay. Hindi kayo kumakain at walang tinatanggap na anuman. 34 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na kayo ay kumain dahil ito ay makakatulong na makalagpas kayo sa sakunang ito. Ito ay sapagkat isa mang buhok ay hindi malalagas mula sa ulo ng sinuman sa inyo. 35 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, kumuha siya ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Pinagputul-putol niya ito at nagsimulang kumain. 36 Nang magkagayon, lumakas ang loob ng lahat. Sila namang lahat ay kumuha din ng pagkain. 37 Kaming lahat na nasa barko ay dalawang daan at pitumpu’t anim na kaluluwa. 38 Nang mabusog na sila, pinagaan nila ang barko. Itinapon nila sa dagat ang trigo.
Copyright © 1998 by Bibles International