Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
2 Corinto 6:1-13

Bilang kamanggagawa, hinihimok namin kayo. Huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. Sinabi niya:

Sa panahong ipinahintulot pina­kinggan kita, at sa araw ng pagliligtas, tinulungan kita.

Narito, ngayon ang panahong katanggap-tanggap. Narito, ngayon ang araw ng kaligtasan.

Ang mga Paghihirap ni Pablo

Sa anumang bagay ay hindi kami nagbigay ng katitisuran upang hindi mapulaan ang gawain ng paglilingkod.

Sa halip, sa lahat ng bagay ay ipinakilala namin ang aming sarili bilang tagapaglingkod ng Diyos. Ito ay maging sa maraming pagba­bata, kabalisahan, pangangailangan at kagipitan. Maging sa paghagupit sa amin, pagkabilanggo, kaguluhan, pagpapagal, pagpupuyat, at pag-aayuno. Maging sa kalinisan, kaalaman, pagtitiis, kabutihan, at maging sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at walang pakunwaring pag-ibig, ipinakikilala naming kami ay mga tagapaglingkod. Ipinakilala namin ito sa salita ng katotohanan, sa kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng sandata ng katuwiran sa kanan at kaliwang kamay. Maging sa karangalan at kawalang karangalan, maging sa masamang ulat at mabuting ulat, ipinakilala naming kami ay tagapaglingkod. Kahit na iparatang na kami ay mandaraya, kami aymga totoo, ipinakikilala naming kami ay tagapag­lingkod. Kahit na sabihing hindi kami kilala bagama’t kilalang-kilala, naghihingalo gayunma’y buhay, pinarurusahan ngunit hindi pinapatay, ipinakikilala naming kami ay tagapag­lingkod. 10 Kahit na namimighati ngunit laging nagagalak, mahirap gayunma’y maraming pinayayaman, walang tinatang­kilik bagama’t nagtatangkilik ng lahat ng bagay, ipinakikilala naming kami ay tagapaglingkod.

11 Mga taga-Corinto, malinaw na nahayag ang aming salita sa inyo. Ang aming puso ay lumaki. 12 Bukas ang aming puso sa inyo, ngunit nakasara ang inyong damdamin sa amin. 13 Bilang ganti, buksan din ninyo ang inyong puso sa amin. Ako ay nagsasalita sa inyo bilang mga anak ko.

 

Marcos 4:35-41

Pinatigil ni Jesus ang Bagyo

35 Sa araw na iyon, nang gumabi na, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: Tumawid tayo sa kabilang ibayo ng dagat.

36 Kaya nga, nang napauwi na nila ang napakaraming tao, sumakay sila sa bangka na kinalululanan ni Jesus. Ngunit may kasabay siyang ibang maliliit na bangka. 37 At dumating ang malakas na bagyo. Sinasalpok ng mga alon ang bangka na anupa’t halos mapuno ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan at natutulog na may unan. Ginising nila siya at sinabi: Guro, bale wala ba sa iyo na tayo ay mapahamak?

39 Pagbangon ni Jesus, kaniyang sinaway ang hangin at sinabi: Pumanatag ka! At sinabi niya sa alon: Pumayapa ka! Tumigil ang hangin at nagkaroon ng lubos na kapayapaan.

40 Sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Bakit kayo lubhang natakot? Paano nagkagayon na wala kayong pananampalataya?

41 Nagkaroon nga sila ng matinding takot at nagsabi sila sa isa’t isa. Sino nga ba ito? Maging ang hangin at alon ay sumusunod sa kaniya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International