Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
6 Dahil dito lagi tayong may katiyakan at alam natin na habang nananahan tayo sa katawang ito, wala tayo sa tahanang mula sa Diyos. 7 Ito ay sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya, hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Nakakatiyak tayo at higit na nanaising mawala sa katawan at manahang kasama ng Panginoon. 9 Kaya nga, naghahangad tayong maging kaluguran sa kaniya maging tayo man ay nananahan sa katawan o wala sa katawan. 10 Ito ay sapagkat tayong lahat ay haharap sa luklukan ng paghatol ni Cristo upang ang bawat isa ay tumanggap ng nauukol sa atin para sa mga bagay na ginawa sa katawan maging ito man ay mabuti o masama.
Ang Paglilingkod na Maipagkasundo ang mga Tao sa Diyos
11 Dahil alam namin ang pagkatakot sa Panginoon, kaya hinihikayat namin ang mga tao. Ngunit kami ay nahahayag sa Diyos at umaasa na ako ay mahahayag din sa inyong mga budhi.
12 Ito ay sapagkat hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming mga sarili sa inyo. Ibinibigay namin ang pagkakataon sa inyo na kami ay inyong maipagmalaki, upang masagot ninyo sila na mga nagmamalaki ayon sa nakikita at hindi mula sa puso. 13 Ito ay sapagkat kung wala kami sa aming sarili, iyon ay alang-alang sa Diyos. Kung kami naman ay nasa wastong pag-iisip, iyon ay alang-alang sa inyo.
14 Ito ay sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin. Dahil pinagpasiyahan namin na yamang may isang namatay para sa lahat, kung gayonang lahat ay patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang sila na nabubuhayay hindi na mamuhay para sa kanilang sarili. Sa halip, sila ay mamuhay para sa kaniya na namatay para sa kanila at muling nabuhay.
16 Mula ngayon hindi na natin nakikila ang sinumang tao ayon sa makataong paraan. Kahit kilala natin si Cristo sa ganitong paraan noon, sa ngayon ay hindi na. 17 Kaya nga, kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bago nang nilalang. Ang mga dating bagay ay lumipas na, narito, ang lahat ng bagay ay naging bago.
Ang Talinghaga ng Binhing Tumutubo
26 Sinabi ni Jesus: Ang paghahari ng Diyos ay katulad sa isang tao na nagtanim ng binhi sa lupa.
27 Siya ay natutulog at bumabangon araw at gabi. Ang binhi ay sumisibol at lumalaki na hindi niya nalalaman kung papaano. 28 Ito ay sapagkat ang lupa mismo ang nagpapabunga sa mga binhi, una muna ang usbong, saka uhay, pagkatapos ay mga hitik na butil sa uhay. 29 Kapag hinog na ang bunga, kaagad na ipinagagapas niya ito sapagkat dumating na ang anihan.
Ang Talinghaga ng Butil ng Mustasa
30 Gayundin, sinabi ni Jesus: Sa ano natin itutulad ang paghahari ng Diyos o sa anong talinghaga natin ihahambing ito?
31 Katulad ito ng binhi ng mustasa na itinatanim sa lupa. Ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na itinatanim sa lupa. 32 Kapag naitanim at lumago, ito ay nagiging pinakamalaki sa mga gulay. Lumalago ang mga sanga nito na anupa’t ang mga ibon sa himpapawid ay makakapamugad sa lilim nito.
33 Nangaral sa kanila si Jesus ng salita sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa pamamagitan ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya nang bukod sa kaniyang mga alagad ang lahat ng mga bagay.
Copyright © 1998 by Bibles International