Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
2 Mga kapatid, ako ay dumating sa inyo na naghahayag ng patotoo patungkol sa Diyos, hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o karunungan. 2 Ito ay sapagkat pinagpasiyahan kong walang malamang anuman sa inyo maliban kay Jesucristo na ipinako sa krus. 3 Nakasama ninyo ako sa kahinaan, sa pagkatakot at lubhang panginginig. 4 Ang aking pananalita at pangangaral ay hindi sa mapanghikayat na pananalita ng karunungan ng tao. Sa halip, ito ay sa pagpapatunay ng Espiritu at ng kapangyarihan. 5 Ito ay upang ang inyong pananampalataya ay hindi ayon sa karunungan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Karunungang Mula sa Espiritu
6 Gayunman, kami ay nagsasalita ng karunungan sa may mga sapat na gulang na. Ngunit ang sinasalita namin ay hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, ni ng mga namumuno sa kapanahunang ito na mauuwi sa wala.
7 Sinasalita namin ang karunungan ng Diyos sa pamamagitan ng isang hiwaga. Ito ang nakatagong karunungan na itinalaga ng Diyos bago pa ang kapanahunang ito para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala ni isa man sa mga namumuno sa kapanahunang ito ang nakakaalam patungkol dito. Kung nalaman lang nila ito, hindi na nila sana ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit ayon sa nasusulat:
Ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na umiibig sa kaniya ay hindi nakita ng mga mata, ni hindi narinig ng tainga at hindi pumasok sa puso ng mga tao.
10 Ngunit ang mga ito ay inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang sumasaliksik ng lahat ng mga bagay maging ang mga malalalim na bagay ng Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International