Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Kaya nga, mga kapatid, tayo ay may pagkakautang hindi sa makalamang kalikasan upang tayo ay mamuhay ayon sa makalamang kalikasan. 13 Ito ay sapagkat namamatay na kayo kung mamumuhay kayo sa makalamang kalikasan. Ngunit kayo ay mabubuhay kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng inyong katawan. 14 Ito ay sapagkat sila na inaakay ng Espiritu ng Diyos, sila ang mga anak ng Diyos. 15 Ito ay sapagkat hindi kayo tumanggap ng Espiritu na magdadala sa inyo sa muling pagkaalipin sa takot. Subalit ang tinanggap ninyo ay ang Espiritu ng pag-ampon, kaya nga, tayo ay tumatawag ng: Abba, Ama. 16 Ang Espiritu ang siyang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo ay mga anak ng Diyos. 17 Yamang tayo nga ay mga anak, tayo ay mga tagapagmana. Tagapagmana tayo ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Yamang tunay na naghirap tayo nakasama niya, tayo ay luluwalhatiin ding kasama niya.
Tinuruan ni Jesus si Nicodemo
3 May isang lalaki sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo. Siya ay isang pinuno ng mga Judio.
2 Pumunta siya kay Jesus nang gabi at sinasabi niya: Guro, alam namin na ikaw ay isang guro na mula sa Diyos. Ito ay sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa malibang sumasakaniya ang Diyos.
3 Tumugon si Jesus at sinabi sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya maaaring makita angpaghahari ng Diyos.
4 Itinanong ni Nicodemo sa kaniya: Papaano maipanganganak ang taong matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak?
5 Sumagot si Jesus: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Malibang ang isang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu hindi siya makakapasok sa paghahari ng Diyos. 6 Ang ipinanganak sa laman ay laman at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, kinakailangang ipanganak kang muli. 8 Ang hangin ay umiihip kung saan nito ibig. Naririnig mo ang ugong nito ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Gayon ang bawat ipinanganak sa Espiritu.
9 Tumugon si Nicodemo at sinabi sa kaniya: Papaano mangyayari ang mga bagay na ito?
10 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Ikaw ay guro sa Israel at hindi mo alam ang mga bagay na ito? 11 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Ang aming nalalaman ay sinasabi namin. Pinatotohanan namin ang mga nakita namin. Hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo. 12 Hindi ninyo pinaniwalaan ang mga bagay na panlupa na sinabi ko sa inyo. Papaano ninyopaniniwalaan kung sasabihin ko sa inyo ang mga bagay patungkol sa langit? 13 Walang pumaitaas sa langit maliban sa kaniya na bumabang mula sa langit Maliban sa Anak ng Tao na nasa langit. 14 Kung papaanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang ay gayon kinakailangang itaas ang Anak ng Tao. 15 Ito ay upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
16 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan inibig ng Diyos ang sanlibutan kaya ipinagkaloob niya ang kaniyang bugtong na Anak upang ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Ito ay sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang kaniyang anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan. Sinugo niya ang kaniyang anak upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.
Copyright © 1998 by Bibles International