Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Felipe at ang Taga-Etiopia
26 Ang anghel ng Panginoon ay nagsalita kay Felipe na sinasabi: Tumindig ka. Pumaroon ka sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Ito ay ilang na dako.
27 Siya ay tumindig at pumaroon. At narito, isang lalaking taga-Etiopia ang naroon. Siya ay isang kapon na may dakilang kapangyarihan na sakop ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala sa lahat niyang nakaimbak na kayamanan. Siya ay naparoon sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay pabalik na at nakaupo sa kaniyang karuwahe. Binabasa niya ang aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe: Lumapit ka at manatili sa tabi ng karuwaheng ito.
30 Tumakbo si Felipe palapit at narinig niyang binabasa niya ang aklat ni Isaias na propeta. Sinabi niya:Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?
31 Papaano ko ito mauunawaan maliban na lamang kung may isang gagabay sa akin? Pinakiusapan niya si Felipe na sumampa at maupong kasama niya.
32 Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:
Siya ay gaya ng tupa na dinala upang katayin. Tulad siya ng kordero na hindi umimik sa harap ng kaniyang manggugupit. Sa ganoong paraan ay hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.
33 Sa kaniyang pagpapakumbaba ay inalis nila ang karapatan niyang mahatulan ng nararapat. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis sa ibabaw ng lupa?
34 Sumagot ang kapon kay Felipe at sinabi: Isinasamo ko sa iyo, sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy dito ng propeta? Ang kaniya bang sarili o ibang tao? 35 Nagsimulang magsalita si Felipe at mula sa kasulatang ito, ipinangaral niya sa kaniya si Jesus.
36 Sa pagpapatuloy nila sa paglalakbay, nakarating silasa isang dako na may tubig. Sinabi ng kapon: Narito, may tubig dito. Ano ang makakahadlang upang ako ay hindi mabawtismuhan? 37 Sinabi ni Felipe: Kung sumasampalataya ka nang buong puso ay maaari kang bawtismuhan. Ang lalaki ay sumagot at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos. 38 Iniutos niyang itigil ang karwahe. Sila ay kapwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang lalaki. Binawtismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, si Felipe ay inagaw ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng lalaking kapon. Gayunman, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay na nagagalak. 40 Si Felipe ay nasumpungan sa Azoto. Sa kaniyang pagdaraan, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga lungsod hanggang sa dumating siya sa Cesarea.
Ang Pag-ibig ng Diyos at ang Ating Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa’t isa sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sa bawat isang umiibig, ang kanilang kapanganakan ay mula sa Diyos at nakakilala sa Diyos.
8 Ang hindi umiibig ay hindi nakakilala sa Diyos dahil ang Diyos ay pag-ibig. 9 Sa ganitong paraan nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin na sinugo ng Diyos ang kaniyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo ay mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ang pag-ibig, hindi sapagkat inibig natin ang Diyos kundi dahil siya ang umibig sa atin at sinugo ang kaniyang Anak bilang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang iniibig tayo ng Diyos, dapat din naman tayong mag-ibigan sa isa’t isa. 12 Walang sinumang nakakita sa Diyos kahit kailan. Kapag tayo ay nag-iibigan sa isa’t isa, ang Diyos ay nananatili sa atin at ang kaniyang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin.
13 Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nananatili sa kaniya at siya sa atin sapagkat ibinigay niya sa atin ang kaniyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinatunayang sinugo ng Ama ang Anak upang maging Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang kumikilalang si Jesus ay Anak ng Diyos, nananatili ang Diyos sa kaniya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Alam natin ang pag-ibig ng Diyos sa atin at sinampalatayanan natin ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos at ang Diyos ay nananatili sa kaniya.
17 Sa ganitong paraan, naging ganap sa atin ang pag-ibig upang tayo ay magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom. Ito ay sapagkat kung ano nga siya ay gayundin tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang takot sa pag-ibig. Ang ganap na pag-ibig ay nagtataboy ng takot sapagkat ang takot ay kaparusahan. Ang natatakot ay hindi pa nagiging ganap sa pag-ibig.
19 Iniibig natin siya sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Kung sinasabi ng isang tao: Iniibig ko ang Diyos, ngunit napopoot naman sa kaniyang kapatid, siya ay sinungaling. Ito ay sapagkat kung hindi niya iniibig ang kaniyang kapatid na kaniyang nakikita, paano niya maibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: Ang sinumang umiibig sa Diyos ay dapat din namang umibig sa kaniyang kapatid.
Ang Puno ng Ubas at ang mga Sanga
15 Ako ang tunay na puno ng ubas. Ang aking Ama ang tagapag-alaga.
2 Ang bawat sanga na nasa akin na hindi namumunga ay inaalis niya. At ang bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pang magbunga ng marami. 3 Kayo ay malinis na sa pamamagitan ng salita na sinalita ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako ay mananatili sa inyo. Ang sanga ay hindi makakapamunga sa kaniyang sarili malibang ito ay manatili sa puno ng ubas. Maging kayo man ay hindi makakapamunga malibang manatili kayo sa akin.
5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako sa kaniya ay magbubunga nang sagana sapagkat kung hiwalay kayo sa akin hindi kayo makakagawa ng anuman. 6 Malibang ang sinuman ay manatili sa akin, siya ay itatapon tulad ng sanga at ito ay natutuyo. Kanila itong tinitipon at itinatapon sa apoy, at ito ay sinusunog. 7 Kung kayo ay mananatili sa akin at ang aking mga salita ay manatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong ibigin at ito ay mangyayari sa inyo. 8 Sa ganito naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay magbunga ng sagana at kayo aymagiging mga alagad ko.
Copyright © 1998 by Bibles International