Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Katawang Binuhay Muli ng Diyos
35 Subalit maaaring may magsabi: Papaano ibinabangon ang mga patay? At ano ang magiging katawan nila?
36 Ikaw na hangal, anuman ang iyong itanim, hindi ito mabubuhay maliban ito ay mamatay. 37 Anuman ang iyong itanim, hindi mo itinatanim ang magiging katawan noon. Ang itinatanim ay ang butil, ito ay maaaring butil ng trigo o anumang ibang butil. 38 Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng katawan ayon sa kaniyang kalooban, at sa bawat isang binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkatulad na laman. Iba ang laman ng tao, iba ang sa hayop, iba ang sa isda at iba naman ang sa ibon. 40 May katawan na panlangit at mayroon ding panlupa, ngunit iba ang kaluwalhatian ng panlangit at iba ang sa panlupa. 41 Iba ang karilagan ng araw at iba ang karilagan ng buwan. Iba ang karilagan ng mga bituin dahil ang karilagan ng isang bituin ay iba kaysa sa isang bituin.
42 Ganito rin nga ang pagkabuhay muli ng mga patay. Ito ay inililibing sa kabulukan, ito ay ibinabangon sa walang kabulukan. 43 Ito ay inililibing sa walang karangalan, ito ay ibinabangon sa kaluwalhatian. Ito ay inililibing sa kahinaan, ito ay ibinabangon sa kapangyarihan. 44 Ito ay inihasik na likas na katawan, ito ay babangon na espirituwal na katawan.
Mayroong likas na katawan at mayroong espirituwal na katawan.
45 Gayundin ang nasusulat: Ang unang tao na si Adan ay naging buhay na kaluluwa. Ang huling Adan ay espiritu na nagbibigay buhay. 46 Hindi una ang espirituwal kundi ang likas, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa lupa, gawa sa alabok. Ang ikalawang tao ay ang Panginoon na mula sa langit. 48 Kung ano siya na gawa sa alabok, gayundin sila na mga gawa sa alabok. Kung ano siya na panlangit, gayundin sila na panlangit. 49 Kung paano natin tinataglay ang anyo ng gawa sa alabok, gayundin natin tataglayin ang anyo ng nagmula sa langit.
Copyright © 1998 by Bibles International