Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa akin, inilagay ko ang saligan. Inilagay ko ito tulad ng isang marunong na punong-tagapagtayo at may ibang nagtatayo roon. Subalit mag-ingat ang bawat isa kung papaano siya magtatayo roon. 11 Ito ay sapagkat wala nang ibang saligang mailalagay ang sinuman maliban doon sa nakalagay na. Siya ay si Jesus na Cristo. 12 Ngunit, ang isang tao ay maaaring magtayo sa saligang ito ng ginto, pilak, mga mamahaling bato, kahoy, damo o dayami. 13 Ang gawa ng bawat tao ay mahahayag sapagkat may araw na ihahayag ito sa pamamagitan ng apoy. Ang gawa ng bawat isa, anumang uri ito ay susubukin ng apoy. 14 Kung ang gawa na itinayo ng sinuman sa saligang ito ay nanatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinuman ay masunog, malulugi siya. Gayunman, maliligtas siya ngunit tulad ng dumaan sa apoy.
16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang banal na dako ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay nananahan sa inyo? 17 Ang sinumang wawasak sa banal na dako ng Diyos ay wawasakin din ng Diyos sapagkat ang dakong banal ng Diyos ay banal at kayo ang dakong iyon.
18 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang maging mangmang upang siya ay maging marunong. 19 Ito ay sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos dahil nasusulat:
Hinuhuli niya ang marunong sa kanilang katusuhan.
20 Gayundin:
Nalalaman ng Panginoon na walang kabuluhan ang kaisipan ng marurunong.
21 Kaya nga, huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Maging si Pablo, o si Apollos, o si Cefas, o sanlibutan, o buhay, o kamatayan, o mga kasalukuyang bagay o mga bagay na darating na, lahat ay sa inyo. 23 Kayo ay kay Cristo at si Cristo ay sa Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International