Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
30 Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa ilang na bundok ng Sinai sa pamamagitan ng ningas ng apoy sa isang mababang palumpong. 31 Nang makita ito ni Moises namangha siya sa nakita niya. At nang siya ay lumapit upang pagmasdan iyon, dumating sa kaniya ang tinig ng Panginoon. 32 Sinabi niya: Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno. Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. At nanginig si Moises at hindi naglakas-loob na tumingin.
33 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: Alisin mo ang mga panyapak mo sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal. 34 Totoong nakita ko ang labis na pagmamalupit ng mga taga-Egipto sa aking mga tao. Narinig ko ang kanilang hinagpis. Ako ay bumaba upang sila ay ilabas mula sa Egipto. Halika ngayon, susuguin kita sa Egipto.
35 Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36 Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38 Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.
39 Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto.
Copyright © 1998 by Bibles International