Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Batong Buhay at ang Mga Batong Buhay
4 Lumapit kayo sa kaniya na siyang batong buhay na itinakwil ng mga tao. Ngunit sa Diyos siya ay hirang at mahalaga.
5 Kayo rin ay katulad ng mga batong buhay. Itinatatag kayo ng Diyos na isang bahay na espirituwal. Kayo ay mga saserdoteng banal, kaya maghandog kayo ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. 6 Ganito ang sinasabi ng kasulatan:
Narito, itinatayo ko sa Zion ang isang pangunahing batong panulok, hinirang at mahalaga. Ang sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
7 Kaya nga, sa inyo na sumasampalataya, siya ay mahalaga. Ngunit sa mga hindi sumusunod:
Ang batong tinakwil ng mga tagapagtayo ang naging pangunahing batong panulok.
8 At naging batong ikabubuwal at katitisuran.
Natitisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita yamang dito rin naman sila itinalaga.
9 Ngunit kayo ay isang lahing hinirang, makaharing pagkasaserdote, isang bansang banal at taong pag-aari ng Diyos. Ito ay upang ipahayag ninyo ang kaniyang kadakilaan na siya rin naman ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Noong nakaraan, kayo ay hindi niya tao ngunit ngayon ay tao na ng Diyos. Noon ay hindi kayo nagkamit ng kahabagan ngunit ngayon ay nagkamit na ng kahabagan.
Copyright © 1998 by Bibles International